Divi

Pangunahing direktiba ni Yorme Isko: Tara bawal sa Maynila

Edd Reyes Jun 8, 2025
17 Views

MAGIGING pangunahing direktiba ni Manila Mayor-elect Isko Moreno Domagoso sa mga opisyal at tauhan ng pulisya ang hindi pagtanggap ng “tara” o lagay upang matiyak na magiging madali ang paglilinis nila sa mga lansangan sa lungsod.

Ayon kay Yorme Isko Moreno, kaya namimihasa ang mga illegal vendors, mga ilegal terminal ng pampublikong sasakyan, at iba pang kuyagot na okupahin ang mga lansangan at bangketa ay dahil na rin pagtanggap ng lagay sa mga inaasahan niyang tutulong sa lokal na pamahalaan sa paglilinis ng Maynila.

Kinakailangan lamang aniya nilang ilagay sa maayos na lugar ang mga sidewalk vendors na hindi nakaka-abala sa daloy at trapiko at pedestrians, tulad ng ginawa niya noong una siyang manungkulan bilang alkalde ng lungsod, upang hindi naman sila tuluyang mawalan ng hanapbuhay.

Bubuhayin ding muli ni Yorme Isko ang “Malasakit Task Force” na kinabibilangan ng mga matitinong antigo at retiradong mga pulis upang magsilbing force multiplier na makakatuwang niya, hindi lamang sa paglilinis sa mga lansangan, kundi sa pagpapanatili rin ng kaayusan at katahimikan sa Maynila..

Magugunita na malaki ang naitulong noon ng Malasakit Task Force na pinangasiwaan ni P/CMS Gerardo Tubera sa paglilinis sa area ng Divisora, partikular sa kahabaan ng C.M. Recto, na ginawa pang modelo ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Sinabi pa ni Yorme Isko na palalawakin niya sa iba pang lugar ang Malasakit Task Force tulad sa Blumentriit, Rizal Avenue, Quiapo, , Sampaloc area at iba pang lugar upang tumulong sa paglilinis at pagpapanatili ng kaayusan.

Binalaan din niya ang mga pulis na gumagamit sa mga civilian para kotongan ang mga vendors, tricycle at jeepney drivers na humaharang sa mga lansangan na itigil na ang ilegal na aktibidad.

Ang babala ng alkalde ay bunsod ng reklamo ng mga vendors hinggil sa isang alyas “Rusty” at kanyang grupo na kinabibilangan ng mga civilian na umano’y patuloy sa pangongotong sa mga vendors ng tatlong beses sa isang araw.

Ipinangangalandakan umano ng grupo na sila pa rin ang maaatasang mangolekta ng tara sa mga vendors sa pag-upo ni Yorme Isko sa katanghalian ng Hunyo 30, araw ng Lunes.