Recto

Panukalang batas kaugnay sa motorcycle taxis tulad ng ANGKAS tinalakay na sa House Committee on Transportation

Mar Rodriguez Dec 12, 2022
281 Views

SINIMULAN na ngayong Lunes ng House Committee on Transportation ang kanilang public hearing kaugnay sa isinulong na panukalang batas na naglalayong maging legal at mai-regulate ang mga “motorcycle taxis” na sinusuportahan naman ng maraming kongresista.

Isinulong ni Batangas 6th Dist. Cong. Ralph Recto ang House Bill No. 2833 sa Kamara de Representantes upang gawing legal. Kasabay ng pag-regulate sa mga tinatawag na “motorcycle taxis” na pinaniniwalaang magkakapagbigay ng maraming trabaho at maituturing din na isang safe transport alternative” para sa maraming commuters.

Dahil dito, nagsimula ng magsagawa ng public hearing ang House Committee on Transportation na pinamumunuan ni Antipolo 2nd Dist. Cong. Romeo Acop hinggil sa nasabing panukala upang mai-regulate ang motorcycle-for-hire. Kasabay ng imbistasyon ng Komite sa mga resource persons mula sa iba’t-ibang ahensiya at non-government organizations (NGOs).

Nabatid na ang mga inanyayahang resource persons ang nagbigay ng impormasyon at inputs hinggil sa panukalang batas.

Ipinaliwanag ni Recto na sa mga nakalipas na taon, ang motorcycle-for-hire na kilala din bilang “habal-habal” ay itinuturing bilang pinaka-mabilis na paraan ng transportasyon sa gitna ng napakatinding trapiko o traffic congestion sa mga urban areas tulad ng Metro Manila.

“Motorcycle taxis will resolve the existing inadequacies in our laws and shall promote the safety and welfare of people who patronage motorcycle-for-hire,” ayon kay Cebu Cong. Rachel Marguerite Del Mar.