Martin1

Panukalang reporma sa MUP pension system umusad na

170 Views

Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pag-apruba sa panukala na magrereporma sa pension system ng Military and Uniformed Personnel (MUP) upang matiyak na tuloy-tuloy na makukuha ng mga nagretirong unipormadong tauhan ng gobyerno ang kanilang benepisyo.

“Salamat sa House Ad Hoc Committee, makakatulog na nang mahimbing ang mga military at uniformed personnel natin gayundin ang kanilang mga pamilya. Sigurado nang mababayaran ang lahat ng pensyon nila, may dagdag pa silang suweldo taun-taon,” ani Speaker Romualdez, lider ng 312 miyembro ng Kamara de Representantes.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag matapos mabatid na sumang-ayon ang lahat ng inimbitahang stakeholder sa gagawing pagbabago sa sistema sa unang pagdinig ng Ad Hoc Committee on the Military and Uniformed Personnel (MUP) Pension System.

Inaprubahan ng komite ang substitute bill kasama ang mga pagbabagong napagkasunduan sa pagdinig.

Si Speaker Romualdez ang nag-utos na bumuo ng Ad Hoc committee para plantsahin ang panukala. Ito ay pinamumunuan ni Rep. Joey Salceda, chair ng House Committee on Ways and Means.

Vice chair naman ng Ad Hoc committee ang chair ng House Committees on Appropriation, National Defense, at Public Order and Security.

Kasama sa napagkasunduan ang pagtatakda sa 90 porsyento ng makukuhang retirement package ng mga hindi umabot sa 20 ang taon ng pagseserbisyo mas mataas sa kasalukuyang 5 porsyento na nakukuha ng mga tauhan ng AFP. Kasama rin sa makatatanggap ng ganitong benepisyo ang mga tauhan ng PNP.

Itatakda rin ng panukala sa 57 ang retirement age ng lahat ng MUP.

Ang lahat ng MUP ay magkakaroon ng 3 porsyentong pagtaas sa kanilang sahod taon-taon sa loob ng 10 taon.

Dalawang pension management system ang bubuohin isa para sa AFP at ang ikalawa ay para sa iba pang MUP.

Tataas ang pensyon ng mga retirado kapag tumaas ang sahod ng mga aktibong MUP. Ang itataas nito ay 50 porsyento ng idinagdag sa aktibong MUP na kanilang karanggo.

“This landmark legislation demonstrates our unwavering commitment to the men and women in uniform, who risk their lives daily to maintain peace and order. It provides a robust, sustainable, and fair pension system that recognizes their invaluable service to our nation,” sabi ni Speaker Romualdez.

“With this reform, we’re not only prioritizing the well-being of our MUP but also ensuring the country’s economic stability. It is a testament to our commitment to national security and fiscal responsibility. I congratulate the Ad Hoc Committee for their hard work and dedication towards this pressing issue,” dagdag pa ng lider ng Kamara.