Calendar
Paolo Contis sa bashing: ‘Sa harap ko sabihin, tingnan natin ang mangyayari sa kanila’
SA premiere night ng pelikulang ‘Ang Pangarap Kong Oskars’ na ginanap sa SM The Block Cinema 3 noong Biyernes ng gabi, mukhang handa ang lead actor ng pelikula na si Paolo Contis na sagutin ang mga katanungan sa kanya hinggil sa kinasasangkutan niyang kontrobersiya ngayon.
Kaagad siyang natanong tungkol sa mga comment sa kanya ngayon sa social media.
“Bashing, wala na sa akin yan,” mabilis namang tugon ni Paolo. “Hindi ko alam kung bakit paboritong itanong sa akin yan. Alam ko naman ang mali ko. Alam ko kung sino ang dapat kong pakinggan. Pag nakausap ko na ang mga taong malapit sa akin, mga pinakikinggan ko, okey na ako dun. Hindi ako nagpo-post. Lahat ng bashing na nakukuha ko, hindi ko responsibilidad na magpost. Pero nagbabasa ako. Nag eenjoy ako. Totoo. Minsan, magugulat ka, eh kung saan galing yung mga pinopost nila. It’s the social media thing. Naging barbaric kasi hindi mo sila masasapak sa mukha e. Subukan nilang sabihin sa harap ko yun tingnan natin kung ano ang mangyayari.”
Ano ang reaksyon ng kanyang pamilya?
“Noong una, naapektuhan sila, pati yung kuya ko, yung mama ko,” ani Paolo. “Pero yung sinabi nila na na-stroke ang mama ko dahil dito, hindi totoo yun. Ang totoo, na-stroke na ang mama ko bago pa nangyari ang mga kalokohan ko. They’re just inventing to poke you. Minsan yung kuya ko, mas patola kaysa sa akin. But now, we both enjoy the bashing.”
Dagdag pa niya: “Minsan nga itong si Joross (Gamboa, co-actor niya sa “Ang Pangarap Kong Oskars”), ginawa akong collaborator, dahil hindi na nga ako nagpopost.”
Kuwento ni Joross na katabi niya sa presscon: ‘Sabi sa akin, handa ka bang ma-bash? Ayun, 200 agad, puro bash. Napagod ako. In-off ko na ang comments.”
Pinagtawanan na lang nila ang mga pangyayari. Para kay Paolo, mas importatnte ang trabaho. Bukod sa paggawa ng pelikula (may apat pa siyang nakatakdang gawin sa MAVX Films, na sa ibang bansa ang locations), seryoso siya ngayon bilang host ng ‘Eat Bulaga.’ In fact, isa siya sa pinakaunang tao sa APT Studios kung saan ginagawa ang naturang noontime show. “Alas siyete pa lang, nandoon na ako. Una, gusto kong makaiwas sa traffic. Pangalawa, usto kong ma-feel yung set para pag dumating na yung iba, kalmado na ako.”
Ilan sa kanyang mga kasamahan sa ‘Eat Bulaga’ tulad ni Buboy Villar ay dumalo sa premiere night para suportahan siya sa “Ang Pangarap Kong Oskars” ng MAVX Films na dinirek ni Jules Katanyag.