Richard Quan at Direk Jun Posadas Richard Quan at Direk Jun Posadas

Beteranong direktor na si Jun Posadas bilib sa mga kabataang direktor

Eugene Asis Jun 28, 2023
274 Views

ISA sa kilalang direktor mula noong 1990s si Francis ‘Jun’ Posadas ang patuloy na naghahandog ng mga pelikulang makabuluhan.

Sa ngayon, isa sa mga bagong ginagawa niya ang true-to-life story na ‘Kuya: The Mayor Edwin Jubahib Story’ tungkol sa buhay ng gobernador ng Davao del Norte. Tampok sa naturang pelikula sina Richard Quan, Juan Rodrigo, Christian Vasquez, Leandro Baldemor at iba pa.

Bagama’t tahimik, hindi nawawalan ng trabaho si Direk Jun bilang filmmaker. “Kapag wala akong feature films, mga docu naman ang ginagawa ko,” ani Direk Jun na nakausap namin sa set ng

‘Kuya’ sa Valley Golf sa Antipolo. “Maraming platforms ngayon ang pelikula, kahit na wala nang masyado sa mga sinehan. Nariyan ang streaming platform, mga audio visuals sa mga school, at iba pa.”

Isa sa mga matatapang na direktor si Direk Jun ng mga action films na gumagawa ng mga action scene kahit sa gitna ng mataong kalye. “Alam mo naman dito sa atin, medyo mahirap gumawa ng film action set,” paliwanag niya.

“Kaya kailangan, maging resourceful ka. Delikado, lalupa’t hindi mo alam ang biglang reaksyon ng mga tao na bigla may magbabarilan dyan, may car chase. Pero may proper coordination naman tayo sa mga kinauukulan.

May mga suporta kaming mga alagad ng batas kung sakaling may mga hindi inaasahang pangyayari.”

Kahit na kilala na bilang isang mahusay na direktor, hangang hanga si Direk Jun sa ilang kabataang direktor ngayon. “Mahuhusay sila, maganda ang mga istilo,” aniya. “Kaya nakakakita pa rin ako ng pag-asa sa Philippine movies. Siguro lalo na kung talagang malakas ang suporta ng gobyerno.”

Bilib na bilib sa kanya ang lead actor niya sa ‘Kuya’ na si Richard Quan. “Direk Jun lets you give your own take as an actor,” ani Richard. “He listens. Tapos kung nabi-visualize niyang maganda, sige.

Kung feeling mo bilang aktor hindi ka satisfied sa ginawa mo at sinabi mo sa kanya, pagbibigyan ka niya.”
Marami pa ring nakalinyang proyekto si Direk Jun. “Hanggang kaya ng katawan ko, gagawa ako ng pelikula,” sabi pa ng beteranong direktor.