Rep. Hontiveros

Papel ng online platforms sa mararahas na ideya sisilipin ni Sen. Hontiveros

99 Views

SISILIPIN ng Senado kung may papel ang online platforms sa pagkalat ng mararahas na ideya sa mga bata kasabay ng paghahanda ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na buksan ang imbestigasyon sa July 1 kaugnay ng fatal school shooting sa Tacloban, ayon kay Sen. Risa Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na muling bubuksan ng kanyang komite ang pagdinig upang talakayin ang insidente sa Tacloban at ang lumalaking pangamba sa online radicalization ng mga bata.

Babalikan sa pagdinig ang mga usaping tinalakay sa imbestigasyon ng komite noong April 14 kung saan inilahad na umano’y nagagamit ang online platforms at gaming spaces para i-groom, manipulahin at i-radicalize ang mga bata tungo sa karahasan.

Tinalakay rin ang paggamit ng online platforms sa online sexual abuse, exploitation, grooming at extortion ng mga bata.

Ayon kay Hontiveros, dapat habulin ang pananagutan kung nagagamit ang internet platforms para biktimahin ang mga menor de-edad.

“Kung ginagamit ang internet para biktimahin ang mga bata, dapat may managot,” sinabi ng senador.

Hindi dapat hintayin ng Senado na may panibagong biktima bago kumilos.

“Hindi natin hihintayin na magkaroon ng sunod pang biktima bago kumilos. Dapat makapasok ang bawat bata sa paaralan nang ligtas at makauwi rin nang ligtas sa kanilang pamilya,” ani Hontiveros.

Inaasahang pag-uugnayin ng pagdinig ang school safety at online child-protection concerns, habang sisilipin ng komite kung sapat ang ginagawa ng online platforms upang hindi mapagsamantalahan ang mga bata o malantad sa mapanganib na content.