Parade

Parada ng MMFF sa Makati masigla, makulay

Edd Reyes Dec 20, 2025
249 Views

Parade1MASIGLA at makulay ang ginanap na parada ng mga bituing kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) na idinaos Biyernes ng hapon sa mga lansangan sa Makati City.

Naghiyawan sa galak ang mga manonood na naka-linya sa lansangan habang kumakaway sa kanila ang mga paboritong artista na sakay ng kani-kanilang makulay na malalaking karosa habang isinisigaw ang pangalan ng paboritong artista, na karamihan ay may hawak pang mga banner at camera para kuhanan ng larawan ang paboritong artista

Nauna ng nanawagan si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman at Concurrent MMFF Overall Chairman Atty. Don Artes sa publiko na tangkilikin ang walong kalahok sa film festival at maranasan ang nakawak na hanay ng magagandang pelikula ng MMFF 51st edition na may temang “A New Era of Philippine Cinema.”

Bilang punong abala, malugod ang naging pagtanggap ni Makati Mayor Nancy Binay sa mga lumahok sa parada nang dumaan sa tapat ng Manila City Hall Old Building sa J.P. Rizal Avenue.

Nagpalasamat din ang alkalde sa MMDA sa pagpili sa kanilang lungsod na maging host ng parada at inanyayahan din ang mga kababayan na tangkilikin ang mga pelikulang kalahok sa MMFF.

Ilan sa mga artistang lumahok sa parada sina Vice Ganda, Carla Abellana, Zanjoe Marudo, Angelica Panganiban, Solenn Heussaff, Piolo Pascual, Kiko Estrada, Cedrick Juan, Romnick Sarmenta, Zoren Legaspi, Carmina Villaroel, Rica Peralejo, Rico Blanco, Janice de Belen, Lorna Tolentino, Joey Marquez, Zaijian Jaranilla, Bianca de Vera, Will Ashley, Dustin Yu, at marami pang iba.

Kabilang naman sa mga kalahok na pelikula ngayong taon ang“Call Me Mother,” “Rekonek,” “Manila’s Finest,” “Shake, Rattle & Roll: Evil Origins,” “I’m perfect,” “Love You So Bad,” “Unmarry,” at “Bar Boys: After School.”