SUV Source: QCPD-DTEU

PAREHONG DRIVER DEDO SA SALPUKAN NG SUV, AUV

286 Views

NASAWI pareho ang mga driver ng sport utility vehicle (SUV) at Asian utility vehicle (AUV) matapos magsalpukan sa Quezon City, habang kritikal naman ang babaeng pasahero ng AUV.

Ayon sa report ng Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit (QCPD-DTEU), nagsalpukan ang dalawang sasakyan sa bahagi ng C. P. Garcia Avenue, pasado alas-11 ng gabi noong Biyernes.

Isang 63-anyos na lalaki umano ang SUV driver habang 32-anyos na lalaki ang nagmamaneho ng AUV.

Nanatiling kritikal ang lagay sa ospital ng 24-anyos na babae na pasahero ng AUV dahil sa mga pinsala sa katawan.

Ayon kay QCPD-DTEU Chief PLt. Col. Geoffrey Lim, binabaybay ng dalawang sasakyan ang inner lane sa magkabilang direksyon ng daan, pero lumampas sa center line ang SUV sa kurbadang bahagi kaya nasalpok ang AUV.

Sa isang kuha ng CCTV mula sa nasabing lugar ay makikitang parehong matulin ang takbo ng dalawang sasakyan.

Tumilapon ang dalawang sasakyan matapos magsalpukan. Sa tindi ng impact ay nayupi ang unahan ng mga sasakyan.

Pahirapan pa ang naging pag-rescue sa mga sugatan dahil naipit ang mga ito sa nayuping sasakyan.

Makalipas ang dalawang oras ay nadala ang mga sugatan sa isang ospital ngunit idineklarang dead on arrival ang parehong driver ng dalawang sasakyan.