CAAP Source: CAAP

Pasahero nag-bomb joke, hinuli; eroplano ininspeksyong mabuti

Jun I Legaspi Mar 22, 2025
31 Views

MALAKING abala ang idinulot sa operasyon ng Bohol-Panglao International Airport nitong Marso 22, 2025, ang bomb joke na ginawa ng isang pasahero ng Cebu Pacific flight 5J617 matapos lumapag ang eroplano, dakong alas-11:20 ng umaga.

Ayon sa ulat, narinig ng isang flight attendant ang biro mula sa dalawang pasahero, na agad namang isinailalim sa kustodiya ng pulisya.

Kaagad na rumesponde ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Security and Intelligence Service (CSIS) matapos makatanggap ng impormasyon mula sa tower personnel.

Alinsunod sa mga pamantayang pangkaligtasan, agad na ininspeksyon ang cabin at mga bagahe ng eroplano upang matiyak na walang banta ng pampasabog.

Dakong 12:43 PM, nakumpirma ng mga awtoridad na walang anumang bombang natagpuan sa eroplano.

Lahat ng pasahero at crew ay idineklarang ligtas, at agad na ipinagpatuloy ang operasyon ng paliparan nang walang karagdagang insidente.

Muling pinaalalahanan ng CAAP ang publiko na ang pagbibiro tungkol sa bomba ay isang seryosong paglabag sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727, na nagbabawal sa pagpapakalat ng pekeng bomb threats. Ang sinumang lalabag ay maaaring makulong nang hindi hihigit sa limang (5) taon o pagmultahin ng hanggang ₱40,000.

Hinihikayat ang lahat ng pasahero na maging maingat at responsable sa kanilang mga pahayag upang mapanatili ang seguridad at kaligtasan ng lahat ng biyahero.