bro marianito

Pasalamatan, ipagkatiwala sa Diyos lahat ng biyaya

434 Views

Ihandog at ipagkatiwala din natin sa Panginoong Diyos ang mga mumunting bagay na mayroon tayo. Kaya din niya itong paramihin. (Juan 6:1-15)

“Sinabi ni Andres na isa sa kaniyang mga Alagad at kapatid ni Simon Pedro. Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?” (Juan 6:8-9 – Magandang Balita Biblia)

MINSAN ay inanyayahan ako ng isang kaibigan na sumalo sa hapunan na ginanap sa kanilang tahanan. Siyempre, bago kumain ay nakaugalian na natin lahat ang umusal ng maikling panalangin bilang pagpapasalamat sa Panginoong Diyos.

Ipinagpapasalamat natin sa Diyos ang biyayang pinagsasaluhan natin sa hapag kainan. Sagana man o kakaunti lamang, sapagkat ang pinaka-mahalaga naman dito ay ang munting biyayang ipinagkakaloob ng Panginoon.

Dahil ang Panginoon ay isang “galanteng (generous)” Diyos na hindi kailanman mauubusan ng mga biyayang ipagkakaloob niya sa kaniyang mga Anak. Partikular na sa mga taong salat sa buhay at halos wala ng makain dahil sa labis na karukhaan.

Nadismaya lamang ako sa tinuran ng aking kaibigan nang sabihin nitong “Bakit pa daw kailangan magdasal. Gayong idudumi din naman ang pagkaing isinusubo sa ating bibig”. Tila ibig ipakahulugan ng aking kaibigan na wala tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos.

Utang natin sa Panginoon ang mga biyayang mayroon tayo ngayon tulad ng pagkain, damit, bahay, magarang sasakyan at material na bahay. Hindi mapapasa-atin ang mga bagay na ito kung hindi ito kalooban ng Diyos. Ang lahat ng bagay na pag-aari natin ay biyaya ng Panginoon kaya obligasyon natin ang magpasalamat.

Ipinamalas din ni HesuKristo sa Mabuting Balita (Lucas 6:1-15) ang kaniyang nag-uumapaw na biyaya matapos niyang paramihin ang limang tinapay at dalawang isda. Gayong napaka-imposibleng magkasya ang mga ito sa limanglibong katao.

Ngunit dahil walang imposible kay Hesus, nagawa niyang paramihin ang isang bagay na kakarampot at lumabis pa. Ito’y sa pamamagitan ng matibay na pananampalataya nina Andres (Ang kapatid ni Simon Pedro) at ng batang may dala limang tinapay at dalawang isda. (Juan 6:11)

Batid nina Andres at ng batang lalaki na hindi sasapat at magkakasya ang limang tinapay at dalawang isda para makakain ang ganoong karaming tao.

Para sa dalawang ito, wala na silang magagawang paraan at tanging si Hesus na lamang ang kanilang maaaring asahan. Sa pamamagitan ng kaniyang himala.

Kung kaya’t buong puso nilang ibinigay at ipinagkatiwala kay HesuKristo ang kakarampot na mayroon sila (Tinapay at isda). Kasabay ng kanilang malalim na pananampalataya na parang sinasabi nilang “Panginoon ikaw na po ang bahala”.

Ang mga mumunting bagay na mayroon tayo ngayon gaya ng maliit na kita (sahod) at kakaunting pagkain na pinagsasaluhan natin ay maaari din nating ipagkatiwala sa ating Panginoon. Sa pamamagitan ng ating pagtitiwala at pananampalataya.

Gaya ng ginawa nina Andres at ng batang lalaki, ipagkatiwala din natin ang mga bagay na ito sa ating Panginoong Hesus at manampalataya tayong kaya niya itong paramihin at maaaring lumabis pa. Katulad ng ginawa niyang pagpaparami sa limang tinapay at dalawang isda.

Minsan, may ilan sa atin na sa halip magtiwala at manalangin sa Panginoon para maparami ang kakaunting bagay na mayroon sila tulad ng pagkain at tulungan sila ng Diyos sa kanilang abang kalagayan. Mas pinipili pa nilang magreklamo at magmaktol sa kaya lalong nagiging mailap sa kanila ang grasya.

May grasya kayang papasok sa ating buhay na sa halip na magpasalamat tayo sa Panginoong Diyos ay puro pintas, reklamo at pagmamaktol pa ang ating ginagawa? Ang sabi nga ng iba: “Lalong lumalayo ang grasya sa taong mareklamo”.

Kakaunti na nga lang ang pagkaing pinagsasaluhan natin at nasa abang kalagayan pa ang ating sitwasyon. Pagkatapos ay nakukuha pa nating magreklamo.

Kaya lalong nagiging mabigat ang ating buhay sa halip na gumaan. Hindi reklamo ang mag-aahon sa atin sa kahirapan, kundi ang pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos.

Obligasyon natin ang magpasalamat sa Panginoong Diyos, maliit man o sagana ang pagkaing pinagsasaluhan natin. Kung ito’y kakarampot lamang, manalangin at magtiwala tayo sa kapangyarihan ng Diyos.

Ngunit wala tayong karapatang magreklamo at sabihin na bakit pa tayo kailangan manalangin dahil ilalabas din naman natin ang ating kinakain. Sapagkat ipagpasalamat pa rin natin na kahit papaano ay may kinakain pa tayo. Samantalang may ilan diyan na halos wala ng makain at namamatay ng gutom.

AMEN