Calendar
Pasig Pirates ipinagmalaki ni Sotto
HINDI na bago sa panalo ang three-time PCAP All-Filipino champion Pasig City at ang kanilang sports-minded na mayor na si Vico Sotto.
At gaya ng kanilang mga naunang panalo, nais ni Sotto na magtuloy-tuloy ito hanggang sa grassroots level.
“We’re extremely happy for the success of our Pasig City King Pirates and winning their third straight PCAP title. All the credit goes to the players and the coaching staff, headed by Coach Franco Camillo,” buong pagmamalaking pahayag ni Sotto sa kanyang special appearance sa “Sports on Air” nitong nakalipas na Huwebes.
“Hindi mahirap suportahan ang kagaya nila dahil nakikita naman namin sa LGU kung gaano sila kasipag, gaano ka-dedicated at gaano ka-competitive sa mga chess tournaments ng PCAP, ”dagdag pa ni Sotto.
Sinabi pa niya na ang Pasig King Pirates ay kabilang sa mga pararangalan sa darating na 450th founding anniversary ng Pasig sa July 2.
“It’s a year-long celebration para dito sa amin sa Pasig. Madaming aktibidades at malalaking celebration hanggang December,” wika ni Sotto.
Naniniwala din si Sotto na ang tagumpay ng Pasig Pirates ay magsisilbing inspirasyon sa mas maraming mga kabataan na sumubok maglaro ng chess.
“Yun po talaga ang gusto namin. Yun mabigyan ng inspirasyon ang mga kabataan at mas lalong dumami ang naglalaro ng chess. Gusto namin sumikat ang chess sa Pasig at makilala din ang Pasig sa chess,” paliwanag pa ng 33-year-old na si Sotto.
Pinuri din ni Sotto ang PCAP, sa pangunguna nina president Atty. Paul Elauria at chairman Michael Angelo Chua sa kanilang mahusay na gawain para sa chess development sa buong bansa.
“Congratulations to PCAP. Talagang malaki ang nagagawa nila sa promotion ng professional chess. Kaya naman kami dito sa Pasig, laging nakahandang suportahan ang PCAP, gaya nung nakalipas na PCAP Chess Festival na ginanap dito sa Pasig,” dugtong pa niya.
Nakasama ni Sotto sa one-and-a-half hour long na sports program sina Pasig City Sports Director Rechie Tugawin, Atty. Elauria, Camillo, IMs Idelfonso Datu at Eric Labog at Jerry Nodalo.