Calendar

PBBM admin pinalawak ng malaki PhilHealth packages
SA ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., malaki ang naging pagtaas ng benepisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa mga pasyenteng sumasailalim sa kidney transplant — mula sa dating P600,000 ay umabot na ito sa P2 milyon, o higit 230% na pagtaas.
Bukod dito, pinalawak din ang bilang ng hemodialysis sessions mula 90 patungong 156 kada taon, upang mabawasan ang gastusing kailangang bayaran ng mga pasyente ng chronic kidney disease (CKD) stage 5.
Ang mga benepisyong ito ay bahagi ng mas pinalawak na health benefit packages sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Marcos upang tugunan ang seryosong pangangailangang medikal ng mga Pilipino.
Mga Pangunahing Pagbabago sa PhilHealth Benefits:
Hemodialysis: Mula 90 ay naging 156 sessions kada taon, na ngayon ay may halagang P6,350 bawat session (mula sa dating P4,000), katumbas ng hanggang P990,600 na benepisyo taun-taon; Peritoneal Dialysis: Pinalawak ang coverage hanggang P1.2 milyon; Kidney Transplant (Z Benefits Package): Mula P600,000 ay itinaas sa Php2 milyon — unang pagkakataon na tinaasan ito mula nang ilunsad ang package noong 2012.
Ang Z benefits ay tumutugon sa mga malulubhang karamdaman gaya ng cancer at kidney failure na nangangailangan ng mamahaling gamutan at matagal na hospitalisasyon.
Naglunsad din ang PhilHealth ng mga bagong benepisyo para sa ischemic heart disease – acute myocardial infarction, kabilang ang mga procedure na may kinalaman sa atake sa puso, at ng outpatient emergency care benefit para sa komprehensibong saklaw sa mga emergency case.
Simula Enero 1, 2025, ipatutupad din ang 50% na dagdag sa case rates para sa halos 9,000 benefit packages.
Noong nakaraang Huwebes, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang paglulunsad ng bagong benefit package para sa post-kidney transplantation services sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City. Kabilang dito ang dalawang bagong support packages para sa adult at pediatric post-kidney transplant patients.
Ayon kay PhilHealth President at CEO Edwin M. Mercado sa isang press briefing sa Malacañang: “Patuloy naming ipinatutupad ang adhikain ng ating mahal na presidente, si Pangulong Marcos, na bigyan ng pag-asa at bagong buhay ang mga Pilipinong nagtitiis sa kanilang mga dinaramdam.”
Dagdag pa niya: “Katuwang ng aming kalihim, Secretary Teodoro Herbosa, at ang ating NKTI Executive Director Dr. Dante Dator, hatid namin ang bagong benepisyong naglalayong ipagpatuloy ang alagang PhilHealth para sa mga pasyenteng sumailalim na ng kidney transplantation.”
Sa mga repormang ito, malinaw ang layunin ng administrasyon ni Pangulong Marcos na gawing mas abot-kaya at mas accessible ang dekalidad na serbisyong medikal para sa bawat Pilipino.