Calendar
PBBM, Angara nagtulungan para maghatid ng serbisyong panlipunan sa Aurora
Lalawigan ng Aurora — Bilang bahagi ng layunin ng administrasyon na mailapit ang mahahalagang serbisyong panlipunan sa bawat Pilipino, nakibahagi si Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ikalawang pagbisita nito sa Aurora upang maghatid ng tulong sa mga mag-aaral, guro, at mga komunidad sa lalawigan.
Mas maaga sa araw na iyon, binisita ni Pangulong Marcos Jr. ang bayan ng Baler upang makipagpulong sa mga manggagawa sa sektor ng turismo na naapektuhan ng mga kamakailang kalamidad.
Namahagi siya ng tulong-pinansyal sa 1,197 benepisyaryo sa ilalim ng programang Bayanihan sa Bukas na May Pag-asa sa Turismo (BBMT).
Bilang dagdag na suporta para sa kalusugan at kapakanan ng mga guro at mag-aaral, pinangunahan din ng Pangulo ang Yaman ng Kalusugan (YAKAP) Caravan sa Aurora National High School.
Sa inisyatibong ito, isinagawa ang libreng serbisyong medikal gaya ng pagsusuri sa mata para sa humigit-kumulang 200 mag-aaral sa elementarya, gayundin ang mga serbisyong pangkalusugan para sa humigit-kumulang 350 guro, non-teaching personnel, at mga estudyante sa sekondarya.
Nagbigay rin ng pagpupugay si Pangulong Marcos sa yumaong dating Senate President Edgardo Angara sa pamamagitan ng pagbisita sa kanyang mausoleum bilang pagkilala sa kanyang mahalagang ambag sa larangan ng edukasyon, agrikultura, at kultura sa bansa.
“Bilang isang Auroreño, lubos akong nagpapasalamat sa inisyatibo ng ating Pangulo na dalhin ang mga serbisyong ito sa ating lalawigan. Malaking tulong ito upang matiyak ang maayos na kalagayan ng ating mga kababayan—lalo na ng ating mga mag-aaral at guro. Bonus na rin sa akin na naka-bisita siya sa aking ama,” ani Kalihim Angara.
Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2023, kabilang ang Aurora sa mga lalawigan sa Gitnang Luzon na nagtala ng 4.6% paglago sa ekonomiya, na umabot sa ₱34.43 bilyon ang Gross Domestic Product (GDP) sa parehong taon. Ipinapakita nito ang pagiging mas aktibo at mas masiglang mga Auroreño sa paggamit ng likas na yaman at potensyal ng lalawigan.
Mahigit isang taon na ang nakararaan, nagkaloob rin si Pangulong Marcos, kasama si Kalihim Angara, ng ₱10-milyong grant sa Pamahalaang Panlalawigan ng Aurora para sa mga proyektong pangkaunlaran at pagbibigay ng makinaryang pansakahan sa mga magsasaka at mangingisda, upang lalong mapaunlad ang agrikultura sa lalawigan.

