BBM

PBBM bubuo ng task force na tututok sa pangangailangan ng mga biktima ng Bulkang Kanlaon

Chona Yu Feb 22, 2025
53 Views

BUBUO ng task force si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tututok sa pangangailangan ng mga biktima ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Sa situation briefing sa La Carlota City sa Negros Occidental, sinabi ni Pangulong Marcos na pamumunuan ang task force ng Office of the Civil Defense.

Plano ni Pangulong Marcos na magtayo ng relocation sites para mailabas ang mga residente na naninirahan sa apat na kilometrong danger zone.

Balak din ni Pangulong Marcos na magtayo ng permanenteng evacuation center sa lugar at pangkabuhayan sa mga apektadong residente.

“Maraming mga magagandang idea ang mga mayor at saka ang provincial government para mawala na talaga ang mga nakatira doon sa loob ng danger area, four kilometers. Sana mailabas natin sa six kilometers. Also, the proposals na magkakaroon ng permanent evacuation center sa labas ng danger area so that in case mag-alert level 4, mayroong tatakbuhan lahat ng tao,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Iyong usapan namin umabot hanggang sa relocation na para kahit na anong gawin ng Kanlaon mayroong pupuntahan ang tao. And they can continue to make a living, may hanapbuhay pa rin sila, tuloy-tuloy pa rin ‘yung kanilang ano,” dagdag ng Pangulo.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na tuloy ang ayuda ng pamahalaan.

“Well, the first thing I asked was what – ano ‘yung pangangailangan. Kung mayroon pang kulang dito sa support na ibinibigay natin sa mga evacuees at saka ‘yung mga na-displace, ‘yung wala sa evacuation center pero wala sa bahay nila,” pahayag ni Pangulong Marcos.