BBM2

PBBM gagamitin buong puwersa ng pamahalaan sa lalabag sa POGO ban

Chona Yu Dec 12, 2024
63 Views

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gagamitin ang lahat ng puwersa ng batas para habulin ang sino mang lalabag sa kanyang utos na total ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

“Kanselado na ang lahat ng lisensya ng POGO at IGL [internet gaming licensees] sa buong bansa!” pahayag ni Pangulong Marcos.

Hindi na kailanman papayagang manalasa ang mga ito. Sino mang magtangka na magsagawa ng ilegal na operasyon ay haharap sa buong puwersa ng ating batas,” dagdag ng Pangulo.

Kasabay nito, inatasan ni Pangulong Marcos ang lahat ng law enforcement at anti-corruption entities na magsagawa ng maliliit subalit multiple operations laban sa POGO.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang direktiba sa 2nd Joint National Peace and Order Council (NPOC)-Regional Peace and Order Councils (RPOCs) meeting for 2024 sa Camp Crame sa Quezon City.

Utos ni Pangulong Marcos sa Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine National Police (PNP), at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na palakasin ang oeprasyon laban sa POGO.

Hiniling din ni Pangulong Marcos sa local chief executives na makipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na habulin ang mga nasa likod ng POGO sa kani kanilang nasaskupang lugar.

Base sa talaan ng pamahalaan noong Nobyembre 29, nasa 53,700 ang cancelled offshore gaming employment licenses; 18 internet gaming licences (IGLs) ang boluntaryong nagkansela ng lisensya; at 27 IGLs ang nasa proseso ng pagpapasara ng operasyon.