Calendar
PBBM: Gobyerno tutugunan problema sa maritime industry
NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tutugunan ng administrasyon ang mga problema sa maritime industry upang matiyak na mayroong sapat na kakayanan ang mga magtatapos na mandaragat sa bansa.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag matapos na inanunsyo ng European Commission, ang executive arm ng European Union, na patuloy nitong kikilalanin ang mga sertipikasyon na ibinibigay ng bansa sa mga manlalayag.
“Gagawin natin ang lahat upang mabigyan natin ng solusyon ang mga isyung kinakaharap ng ating maritime industry upang patuloy tayong mag-develop ng mga world-class at magagaling na seafarers para sa buong mundo,” ani Pangulong Marcos.
Hindi nakasunod ang Pilipinas sa panuntunan ng European Maritime Safety Agency’s (EMSA) sa nakalipas na 16 taon kaya nagbabala ito na maaaring hindi na kilalanin ng EU ang mga sertipikasyon na ibinibigay nito sa mga manlalayag na nagtatapos sa bansa.
“Ang naturang problema ay 15 taon nang kinakaharap ng ating seafarers kaya ito agad ang ating tinutukan noong tayo’y pumunta sa Brussels noong Disyembre upang makipagkita sa presidente ng EU na si Ursula von der Leyen. Dahil dito, ang panganib na mawawalan ng trabaho ang 50,000 nating seafarers ay ating napigilan,” dagdag pa ng Pangulo.
Pinuri ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Foreign Affairs (DFA) ang naging desisyon ng EU.