Martin1

PBBM isusulong interes ng PH sa Germany, Czech visit—Speaker Romualdez

133 Views

BINIGYANG diin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kahalagahan ng biyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Germany at Czech Republic sa pagtaguyod ng interes ng bansa sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Ang pakikipagpulong ni Pangulong Marcos sa lider ng dalawang bansa ay inaasahan na igigiit nito ang pagpapalakas ng relasyon ng mga ito sa Pilipinas at ang pagtaguyod sa pangangailangan ng rules-based international order.

Inaasahan din na sa magkasunod na pagbisita ni Pangulong Marcos sa Germany at Czech Republic ay magbibigay daan sa pagpapalakas ng kalakalan at ng ekonomiya.

“These visits would serve to bolster bilateral relations, enhance economic cooperation, and reinforce the Philippines’ standing in the international community. Amidst complex geopolitical challenges, fostering strong alliances with nations sharing similar values is imperative for safeguarding our sovereignty and territorial integrity,” sabi ni Speaker Romualdez.

“In the face of increasing assertiveness in the West Philippine Sea, adherence to international law is crucial for maintaining peace and stability in the region,” dagdag pa ni Romualdez, na bahagi ng opisyal na delegasyon ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa Germany at Czech Republic.

Noong Marso 5, apat na Pilipino ang nasugatan matapos bombahin ng tubig ng dalawang barko ng China Coast Guard ang higit na mas maliit na Unaizah Mae 4, na kinontrata ng militar para sa isang resupply mission sa Ayungin Shoal sa WPS.

Bago ito, sinagi rin ng isang China Coast Guard vessel ang BRP Sindangan, na nagdulot ng “superficial structural damage” rito.

Ayon sa lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro, suportado nila ang diplomatic initiatives ni Pangulong Marcos para isulong ang interes ng Pilipinas sa global stage.

“We, at the House of Representatives, stand solidly behind President Marcos in his pursuit of diplomatic solutions to the West Philippine Sea dispute anchored on the respect for international law and the principles of maritime freedom,” ani Romualdez.

Nakatakdang pagtibayin ang Joint Declaration of Intent on Strengthening Maritime Cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Germany sa pagbisita ng Pangulong Marcos sa Berlin.

Ang Czech Republic at Germany ay kabilang sa 16 na bansa mula Europa na naglabas ng pahayag noong Hulyo 2023 na sumusuporta sa Pilipinas sa paggiit ng soberanya nito sa WPS bilang pagkilala sa 2016 Arbitral Ruling na inilabas ng The Hague na nagbabasura sa pag-angkit ng China sa kabuuan ng South China Sea.

Sa pagbisita naman ni German foreign minister Annalena Baerbock sa Pilipinas noong Enero 2023, tinuligsa nito ang aktibidad ng coastguard ng China sa South China Sea, gayundin ang paggamit ng laser at water cannon sa mga sasakyang pangdagat ng Pilipinas.

Kasama ang WPS sa mga isyung tinalakay nina Pangulong Marcos at Czech Prime Minister Petr Fiala ng bumisita ang huli sa Pilipinas noong Abril 17, 2023 bilang bahagi ng sampung araw na pagbisita sa Asya.

“Philippines is the starting point of my 10-day Asian tour. It shows that your country and your region are very important for the Czech Republic,” sabi ni Fiala sa joint press conference kasama si Marcos kasunod ng kanilang bilateral meeting.

Noong Oktubre ng kaparehong taon ay inalok ng Czech Republic sa Pilipinas ang ilan sa mga sasakyang pandagat nito upang mabantayan ang territorial waters nito.