Calendar
PBBM muling nanawagan sa publiko na magpabakuna, booster shot
MULING nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa publiko na magpabakuna at magpa-booster shot laban sa COVID-19.
Nag-post si Marcos ng video sa social media matapos ang kanyang pitong araw na isolation makaraang magpositibo muli sa COVID-19.
Unang nahawa si Marcos ng COVID-19 noong 2020 matapos itong bumiyahe mula sa Europa.
Sinabi ni Marcos na dahil siya ay mayroong bakuna at booster shot ay wala itong naging malalang sintomas at hindi kinailangan na magpa-ospital.
“Ito na nga ang pangalawang COVID ko na pero tingin ko kung hindi dahil sa vaccine at booster shot siguradong mas malubha ang naging tama ko at ng aking pakiramdam,” sabi ni Marcos.
Sinabi ni Marcos na isang malawakang vaccination campaign ang ilulungsad ng Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Education (DepEd) bilang bahagi ng paghahanda sa pagbabalik ng face-to-face classes.
Nasa 71.2 milyong Pilipino na ang fully vaccinated na o nabakunahan na ng dalawang beses laban sa COVID-19 pero 15.4 milyon pa lamang ang nakakapagpa-booster shot o nagpabakuna ng ikatlong dose na kailangan upang muling mapalakas ang panlaban ng katawan sa virus.