Calendar
PBBM nagtanim ng puno sa kanyang kaarawan
MINARKAHAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang ika-65 kaarawan ng pagtatanim ng puno, isang hakbang upang maproteksyunan ang kalikasan para maabot ang inaasam na pag-unlad ng bansa.
“Itong ating ginagawa nitong araw na ito ay isa sa mga hakbang na maaari nating gawin upang tulungan at patibayin ang ating kalikasan. Alagaan ang ating kalikasan para ay tayo naman ay mayroon tayong ipamamana sa mga anak natin sa mga susunod sa atin na mga Pilipino,” sabi ni Marcos sa National Simultaneous Bamboo and Tree Planting and Kickoff Ceremony sa Old San Mateo Sanitary Landfill sa lalawigan ng Rizal.
Binigyan-diin ni Marcos ang pangangailangan na pangalagaan at bigyan ng atensyon ang kalikasan.
Napili umano ng Pangulo na magtanim ng puno sa kanyang kaarawan upang maikalat ang kamalayan sa pangangalaga sa kalikasan.
“This initiative will greatly help in raising awareness on environmental welfare and protection. Let me also thank na nandito ngayon upang tumulong dito sa event na ito upang maipakita natin sa taong-bayan na tayo naman ay lagi nating iniisip ang ating kalikasan hindi lamang sa iba’t ibang lugar kung hindi sa buong Pilipinas,” sabi ng Pangulo.
Tututukan din ng administrasyon ang National Greening Program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na isa sa mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng climate change.