BBM2 Naiiyak si Pangulong Ferdinand Marcos sa laganap na sexual abuse sa mga bata.

PBBM naluha sa pinagdaanan ng mga batang sex abuse victims

Chona Yu Sep 16, 2024
52 Views

HINDI mapigilang maluha ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang magsalita sa Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) summit.

Sa simula pa lamang ng kanyang talumpati, emosyonal na ang Pangulo dahil hindi niya daw ma-imagine ang pinagdaanan ng mga inosenteng bata na naging biktima ng OSAEC.

Ayon kay Pangulong Marcos, nakahihiya ang ulat na ang Pilipinas ang sentro ng OSAEC sa buong mundo at sa katotohanang hindi pa sapat ang ginagawang mga hakbang para maprotektahan ang mga batang ito.

Ito’y sa kabila ng kultura ng mga Filipino na mataas ang pagpapahalaga sa pamilya.

Sabi ng Pangulo, lalong nakalulungkot na malamang mayroong mga biktima ng OSAEC na ang mga salarin mismong kapamilya o kaanak na dapat sana’y kumakalinga sa kanila.

Kaya tiniyak ni Pangulong Marcos na gagawin ng pamahalaan ang lahat para labanan at matigil ang karima-rimarim na gawaing ito.

Iniutos ng Pangulo sa kaukulang mga ahensya na iligtas ang mga batang biktima at panagutin ang mga nasa likod ng krimen.

Bago ang kanyang speech, naunang nagsalita sa programa ang isang biktima ng sexual abuse noong 13 anyos pa lamang ito.