Marasigan

PBBM: Red alert sa Luzon grid imbestigahan

Chona Yu Apr 16, 2024
147 Views

IPINABUBUSISI ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Energy ang dahilan ng pagpalya ng ilang planta ng kuryente sa Luzon, dahilan kaya nag deklara ng red alert status sa Luzon grid ang National Grid Corporation of the Philippines.

Aminado ang DOE na wala silang nakikitang problema sa transmission lines.

Natapos na kasi ng NGCP ang malalaking proyekto tulad ng Cebu-Negros Panay 230 kilovolt backbone, Mindanao- Visayas Interconnection project at Hermosa San Jose line.

Sa inisyal na paliwanag ni DOE Assistant Secretary Mario Marasigan, sinabi nito na biglaan ang pagpalya ng Pagbilao units 1 and 2.

Pinalamig pa ang system kaya hindi pa ito mapasok ng mga maintenance crew para mainspeksyon at matukoy ang pangunahing dahilan ng pagpalya, pero posible aniyang dulot ito ng tagas sa boiler tube.

Ayon kay .Marasigan ang ganitong mga pangyayari sa mga power generation plant ay maituturing na outside management control o wala sa control ng power plant operator ang sitwasyon.

Tiniyak naman ni Marasigan na nagpapatupad sila ng regular monitoring sa sitwasyon o halos kada tatlumpong minutong pagbabantay.

Ipinaliwanag din ni Marasigan na ang sinasabing pagpalya ng 19 na power generation plants ay hindi sabay-sabay kundi sa magkakaibang panahon ito nangyari dahil sa ibat ibang dahilan.

Kabilang aniya sa mga dahilan ay panahon ng tag-init ngayon kaya talagang nagbawas ng kapasidad ang ibang planta.

Hydro power plants kasi aniya ang ibang generation plants kaya naka depende ito sa tubig, ang problema aniya ay bumaba ang lebel ng tubig kaya hindi kinayang makapag fully operate.

Ang iba naman aniya ay may nakitang iba pang problema sa planta matapos ang nauna na nilang schedule ng maintenance activities kaya humiling na mapalawig pa ito para makumpuni, kung hindi ay baka lalo aniyang magdulot pa ito ng mas matinding problema kalaunan.

May nauna nang kautusan si Pangulong Marcos na dapat gawin ng mga ahenaiya ng pamahalaan ang lahat ng paraan para matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa bansa lalo na sa panahong may El Nino.