BBM Mainit na sinalubong nina B/Gen. Rogelio Peñones, Central Luzon police director, si Pangulong Ferdinand ‘V Marcos para sa pagsunog ng P9.4 billion na nasabat na ilegal na droga sa isang disposal facility sa Capas, Tarlac ngayong Miyerkules, June 25. Ayon sa ulat, nagkakahalaga ng P9.48 bilyon at may bigat na 1,530.64 kg ang sinirang illegal drugs. Kuha ni CHRISTIAN D. SUPNAD

PBBM saksi sa pagsira ng P9.4-B halaga ng narekober na droga

Alfred Dalizon Jun 25, 2025
25 Views

PINANGUNAHA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Miyerkules ang pagsira sa ₱9,484,134,038.62 halaga ng mga ipinagbabawal na gamot na nasamsam ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas, pangunahin na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa isang espesyal na pasilidad sa Capas, Tarlac.

Kasama ng Pangulo sa aktibidad sina PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, DILG Secretary Juanito Victor C. Remulla, National Security Adviser Eduardo M. Año, at PNP Chief General Nicolas D. Torre III. Ginawa ang pagsira sa mga droga sa Clean Leaf International Corporation, isang rehistradong waste management company sa Barangay Cutcut II, Capas.

Naroon din sina Dangerous Drugs Board Chairman Oscar F. Valenzuela, PCG Deputy Commandant Vice Admiral Edgar Ybañez, Commodore Edward de Sagon ng Northern Luzon Naval Command, Atty. Joel Tovera ng NBI, at Tarlac Governor Susan Yap.

Kabilang sa mga sinirang droga ang 1,304.604 kilo ng floating na shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱8.87 bilyon. Natagpuan ito ng mga mangingisda sa karagatan ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Cagayan.

Ayon kay Usec. Nerez, isinagawa ang aktibidad bilang tugon sa direktiba ng Pangulo na agad sirain ang lahat ng nasasamsam na shabu.

“Ang proseso ng pagsira ay isinagawa nang may buong transparency at alinsunod sa mga legal na regulasyon. Binantayan ng PDEA hanggang sa tuluyang maging abo ang mga droga,” ani Nerez.

Sinunog sa 1,000 degrees Celsius ang mga ipinagbabawal na gamot sa isang chamber gamit ang thermal decomposition. Ganap na nawasak ang mga sangkap ng kemikal ng mga ito.

Kabuuang sinirang kontrabando:1,387.5554 kilo ng shabu,411.3708 mL ng liquid shabu,138.8177 kilo ng marijuana,0.1230 kilo ng MDMA (ecstasy), 3,917.4099 gramo ng cocaine, 232.6 gramo ng toluene, 0.8020 gramo ng lidocaine, at iba’t ibang expired na gamot.

Ang mga nasabing droga ay hindi na kailangan bilang ebidensya sa korte, dahil sa mabilis na resolusyon ng mga kaso. Para sa mga floating shabu na walang nahuling suspek at walang isinampang kaso, isinagawa ang pagsira batay sa isang sworn certification ng PDEA Director General, ayon sa DDB Regulation No. 1, Series of 2002.

Ayon sa Pangulo, mahalagang tiyakin na hindi na muling makakabalik sa merkado ang mga nasirang droga:

“So, ang gagawin natin ngayon ay titiyakin ang tamang pag-dispose ng mga drogang ito. Hindi na ito babalik sa black market, hindi na babalik sa kalye. Sisirain na natin.”

Noong Martes, iniutos din ng Pangulo ang pagsira sa loob ng 24 oras ng ₱8.87 bilyong halaga ng shabu na narekober sa mga baybayin ng Luzon at isinauli ng mga mangingisda sa mga awtoridad.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati na isinusulong ng kanyang administrasyon ang paglaban sa droga sa isang “mapayapang paraan,” na aniya’y nagsisimula nang magbunga ng positibong resulta.

“Dapat ituloy natin ang laban kontra droga, pero… gawin natin ito sa isang mapayapang paraan. Tinawag ito bilang isang bloodless war on drugs — at iyon ang layunin natin,” aniya.

“Hindi natin pinapatay ang mga pinaghihinalaang sangkot sa droga. Sa halip, hinaharap natin ang problema sa ibang paraan.”

Binanggit din ng Pangulo na tinatarget ng gobyerno ang droga sa pinakamataas at pinakamababang antas ng bentahan, at may nakikitang mga senyales ng tagumpay.

Simula noong 2022, nakasamsam na ng mahigit ₱62 bilyong halaga ng hinihinalang shabu ang mga anti-narcotics units ng bansa.

Nag-utos din ang Pangulo ng mas mahigpit na seguridad sa mga baybayin at daanang dagat upang mapigilan ang pagpasok ng kontrabando sa bansa.