PCA

PBBM suportado PCA sa pagtatanim ng 100M puno ng niyog

Chona Yu May 9, 2024
136 Views

SUPORTADO ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang hakbang ng Philippine Coconut Authority (PCA) na magtanim ng 100 milyong puno ng niyog.

Sa pakikipagpulong ni Pangulong Marcos sa Private Sector Advisory Council-Agriculture Sector Group (PSAC-ASG) sa Palasyo ng Malakanyang, sinabi ng punong ehekutibo na magandang oportunidad ito para maging number 1 ang Pilipinas sa coconut exports.

Sinabi naman ni PSAC Agricultural Sector Group Member Christopher Po ng Century Pacific Group na inirerekomenda nila na palakasin ang launching ng massive coconut tree planting program sa pamamagitan ng pagpapataas ng seednut production.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na mabibigyan ng sapat na pondo ang PCA para maipatupad ang programa.

“This is really a great opportunity to the country. We have a chance to do it because [of] the market. Every single part of the nut [has] use and can be sold,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ang Pilipinas ang pangalawa sa pinakamalaking coconut exporting country sa buong mundo kasunod sa Indonesia.

Target ng gobyerno na makapagtanim ng 100 milyong puno ng niyog sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Marcos sa 2028.

Inatasan ng advisory body ang PCA na maglatag ng outline para sa roadmap ng coconut planting program.

Inirekomenda rin ng advisory body na pumasok ang PCA sa contract farming sa mga local salt farmers para mag-supply ng fertilizer.

Nasa P2.5 bilyon ang budget para sa paglalagay ng abono sa 55 milyong puno ng niyog.

Target ng PCA ngayong taon na makapagtanim ng 8.5 milyong puno ng niyog sa 59,744 ektarya at malagyan ng abono ang 2.8 milyong puno sa 28,341 ektarya.