Kanlaon

PBBM tiniyak mas malakas na pagresponde sa pagputok ng Bulkang Kanlaon

Chona Yu Dec 13, 2024
126 Views

LEVEL up si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagresponde sa pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Ayon kay Pangulong Marcos, nasa 45,000 na residente na ang inilikas mula sa 6-kilometer radius danger zone, habang target naman na ilikas ang kabuuang 84,000 na katao.

“We will step up. We will level up. Any escalation in damages and destruction will be met with a stronger government response,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Malaki ang papel ng komunikasyon sa mga araw na ito. Truth will save lives. Fake news will kill,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Nakatanod na aniya ang Task Force Kanlaon na magkokoordina ng tamang responde batay sa lakas ng pagsabog ng bulkan at pinsalang hatid nito.

Pakiusap ni Pangulong Marcos, huwag matigas ang ulo at sumunod sa abiso ng mga kinauukulan.

“Nakikiusap ako sa lahat, lalo na sa ayaw lumikas, na sumunod sa babala ng ating mga awtoridad,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Mas mahalaga po ang buhay kaysa ari-arian,” dagdag ng Pangulo.

Inatasan na ni Pangulong Marcos ang Department of Budget and Management na ilabas na ang karagdagang pondo para sa mga biktima ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na namimigay na ang Department of Social Welfare and Development ng mga relief goods habang nakahanda naman ang mga gamot mula sa Department of Health.

“Nakahanda rin po ang DOH na magbigay ng serbisyo. Mula Maynila, kasado na ang pag-airlift ng dagdag na gamot kung kinakailangan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Inilagay na rin ni Pangulong Marcos sa high alert ang lahat ng unit ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National police, at Bureau of Fire Protection sa buong isla ng Negros.

“Susuong sila sa anumang paghamon na darating,” pahayag ni Pangulong Marcos.