Gibo

PBBM: Ulat na nagbitiw Gibo fake news

Chona Yu Sep 12, 2024
96 Views

FAKE news yan.”

Ito ang sagot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. tungkol sa ulat na nagbitiw na bilang Defense Secretary si Gilbert Teodoro.

Ayon kay Pangulong Marcos , nakakadismaya na marami ang nagpapakalat ng maling balita.

“Alam mo, yung mga nagkakalat ng mga… Unang una, sagutin ko yung tanong mo. Fake, fake, fake, fake, fake, fake, fake news yan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Ang lumalabas lang diyan, itong mga desperado nag iimbento na lang ng storya para gumawa na lang ng gulo. Wala naman silang naibibigay, wala silang naitutulong, wala silang kontribusyon sa buhay ng bawat Pilipino kung hindi paninira lamang, kungdi panggugulo lamang,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Umapela si Pangulong Marcos sa publiko na maging maingat at huwag masyadong maniwala kung wala namang pruweba sa mga sinasabi ng ibang tao.

“Dito sa isyu na ito, fake news. Yan ang pinaka maganda, pinaka masamang halimbawa ng fake news. Na kinakalat ng ating mga… Kung sino sino man sa social media. Mag ingat po kayo at kilatisin ninyong mabuti ‘pag may nababasa kayong ganyan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Dito sa isyu ng kay Sec. Teodoro, natatawa na lang kami. Sabi, tinawagan ko sya kaninang maagang maaga. “Magreresign ka daw.” “Bakit,” sabi niya, “Bakit, paalisin mo na ba ako?” Sabi ko, “Bakit naman kita paalisin, wala naman tayong problema.” “Hindi, yun ang lumabas na balita.” Eh sabi niya, “Huwag natin papansinin.” Sabi ko, “Pero kailangan nating sagutin.”

Hindi dapat nagpapadala ang taong bayan sa fake news. Ayon sa Pangulo hindi na nila pinapansin sa administrasyon ang mga pekeng balita.

“Kung may magbabago sa Gabinete o sa pamahalaan, kami ang mag aannounce. Hindi, hindi kung sino man basta nag post.

Hindi sila ang mag a-announce, walang alam ‘yan. Kami ang mag announce. Sa kasalukuyan, ngayong araw na ito, walang pagbabago. Yun lang,” pahayag ni Pangulong Marcos.