Calendar

PCSO nagpadala agad ng tulong sa Maguindanao
TINUGUNAN kaagad ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles ang utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na magpadala ng tulong sa mga lugar na apektado ng malawakang baha sa Maguindanao.
Ayon kay GM Robles, kaagad niyang inatasan ang kanilang Authorized Agent Corporation (AAC) na 5A Royal Gaming OPC sa Maguindanao del Sur na pangunahan ang pamamahagi ng food packs sa mga biktima ng baha sa evacuation center sa Datu Piang Maguindanao del Sur.
Katuwang ng PCSO ang Philippine National Police (PNP) at lokal na pamahalaan ng Datu Piang sa pamamahagi ng 1,000 food packs na kinabibilangan ng 5 kilong bigas, instante noodles, mga de-lata, at portable water, bukod pa sa 2,500 Charitimba na isinakay sa eroplano upang maipadala kaagad ni GM Robles sa mga apektadong residente.
“Our commitment is unwavering. We will not stop until we see to it that all the affected residents have already received necessary food and medical assistance,” pagtiyak ni GM Robles.
Nauna ng idineklara na nasa ilalim na ng state of calamity ang bayan ng Datu Piang sa Maguindanao del Sur bunga ng inabot na matinding baha dulot ng Intertropical Convergence Zone (ITCS) na humagupit sa mga nakaraang araw.
Ayon sa ulat ng Datu Piang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot sa 8,000 pamilya sa 16 na barangay ang naapektuhan ng pagbaha na nagresulta sa pagkasawi ng dalawa katao.
Ayon kay Koronadal City disaster risk reduction and management officer Cyrus Urbano, kabilang sa mga nasawi ang delivery rider na si Christian Pederiso, 28, at ang gurong si Jessa Huesca, 24, na kapuwa tinangay ng malakas na agos ng tubig habang tumatawid sa ilog ng Barangay Cacub. Nakuha ang kanilang bangkay sa ibabang bahagi ng ilog.