Calendar

PDEA, NAVY NASAKOTE P10-B SHABU MULA SA ISANG BANGKA SA ZAMBALES
Zambales — Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Navy nitong Biyernes ang isang bangkang pangisda sa karagatan ng Zambales na kargado ng tinatayang 1.5 toneladang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱10 bilyon, ayon sa mga opisyal.
Ayon sa ulat, ilang mga banyaga na sakay ng Philippine-registered na bangka ang kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay sa nabigong malaking tangkang pagpupuslit ng ilegal na droga—isa sa pinakamalaki hindi lang sa bansa kundi sa buong Asya.
Ayon kay PDEA Undersecretary Isagani R. Nerez, kabilang ito sa mga pinakamalalaking nasabat na droga sa kasaysayan ng bansa. Sinabi pa niya na napakahalaga ng inter-agency cooperation sa paglaban sa mga organisadong krimen gaya ng drug trafficking at smuggling.
Internasyonal na Sindikato
Noong Mayo, tinatayang dalawang toneladang shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa Indonesia sa isla ng Sumatra—ang pinakamalaki sa kanilang kasaysayan. Kaugnay ito ng sindikatong mula sa Golden Triangle (Myanmar, Thailand, Laos) na kilala sa malawakang produksyon ng opyo.
Anim na tripulante ng barkong Dragon Tawara, na may kargang shabu na nagkakahalaga ng US$400 milyon, ang inaresto sa isinagawang operasyon.
Kinumpirma naman ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) na may lumalaking trend ng malakihang shipment sa pamamagitan ng maritime trafficking, kung saan ginagamit ang mga rutang dumadaan sa Gulf of Thailand, Malaysia, at Indonesia.
Bayanihang Laban sa Droga
Samantala, pinuri ng PDEA at Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni Gen. Nicolas D. Torre III ang 68 mangingisda mula Luzon na kusang-loob na isinuko ang mahigit isang toneladang shabu na nagkakahalaga ng ₱8.8 bilyon.
Ayon kay Gen. Torre, ang nasabing mga mangingisda mula sa Bataan, Pangasinan, Zambales, at Ilocos Sur ay karapat-dapat parangalan. Tinawag pa niya itong patunay ng “mamamayan laban sa krimen” dahil agad nilang ipinaalam sa mga otoridad ang mga natagpuang kahina-hinalang pakete na palutang-lutang sa dagat.
Sam Gor: Kilabot na Asian Drug Syndicate
Sinabi ni Usec. Nerez na sangkot ang Sam Gor, isang Asian drug syndicate, sa paglalaglag ng mga bultong shabu sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Ang Sam Gor ay binubuo ng limang kilalang triad: 14K, Bamboo Union, Big Circle Gang, Sun Yee On, at Wo Shing Wo, na nakabase sa Hong Kong at Taiwan. Kilala sila sa tawag na “The Company.”
May ulat na ang grupo ay aktibo sa buong Asia-Pacific region at may hawak na tinatayang 40-70% ng Asian drug market, na kumikita ng hanggang $17 bilyon kada taon.
Hindi lamang shabu kundi pati heroin, ketamine, synthetic drugs, at mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng droga ang sangkot sa operasyon ng grupo.
Ayon kay Nerez, ang packaging ng mga shabu na nakuha sa Pilipinas ay nakalagay sa mga teabag na may Chinese markings — isang pirma ng Sam Gor.
“Gamit nila ang dagat para ihulog ang droga at pinupulot na lang ito ng mga lokal na kasabwat. Mabuti na lang at ang ating mga bayaning mangingisda ang unang nakatagpo ng mga ito bago mapasakamay ng masasamang loob,” aniya.