Chua

PH binalaan na posibleng maparusahan pag di tumulong sa ICC probe sa war on drugs ni Duterte

129 Views

NAGBABALA ang isang mambabatas na maparusahan ang Pilipinas kung hindi ito makikipagtulungan sa International Criminal Court’s (ICC) na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs campaign ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua hindi makabubuti sa Pilipinas kung isusugal nito ang relasyon nito sa United Nations kung hindi makikipagtulungan sa ICC.

“Magiging problema po kasi niyan, sa akin pong nakikita, kasama po tayo sa [UN] eh so syempre willing po ba tayo na i-risk ‘yung ating relasyon dito po sa [UN]? Syempre medyo ‘yung mga foreign na relationship po natin dapat
iniingatan din po natin,” ani Chua sa isang press conference sa Kamara de Representantes.

Ilang ulit ng sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan ang administrasyon nito sa ICC.

Ipinunto naman ni Chua na hindi naman kailangang kumilos ni Pangulong Marcos dahil ang dapat na makipag-ugnayan sa ICC ay ang Commission on Human Rights (CHR), isang independent constitutional body.

“[CHR] is an independent body. It is not under the Office of the President nor under the Legislative Department,” punto ni Chua.

Iginiit ni Chua na mayroong kapangyarihan ang CHR na imbestigahan ang paglabag sa karapatang pantao sa implementasyon ng war on drugs.

Sinabi ni Chua na kahit na umatras na ang Pilipinas sa pagiging miyembro ng ICC noong 2019, ang iniimbestigahan naman nito ay ang mga nangyari noong miyembro pa ang bansa.

“Kung saka-sakali naman po na magkaroon po ng desisyon ang ICC, we have to remember na tayo po ay meron pong agreement sa UN, at ang UN po at ang ICC mayroon po ‘yang cooperation agreement,” sabi ni Chua.

Nauna rito, sinabi ni Chua sa isang pahayag na ang Pilipinas ay obligadong sumunod sa international law at hindi dapat pigilan ang imbestigasyon ng ICC.

“Being a sovereign state in the international community and Founding Member of the UN, the Philippines is legally-bound to follow international law, including the UN Convention on the Privileges and Immunities of the United Nations, and to respect the United Nations Laissez-Passer or the UN Passport and all holders of the UN Passport,” paliwanag ni Chua.

“If the Philippines denies entry to the ICC Prosecutor, Investigators, and Staff that would be a direct offense to the UN and can make our country an outcast or pariah, along with the accompanying diplomatic and international crises,” dagdag pa nito.