Asean Source: PBBM Good Governance FB

PH magsisilbing host sa 2026 Asean meetings

Chona Yu Apr 2, 2024
127 Views

MAGSISILBING host ang Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations meetings sa 2026.

Agad na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglikha sa National Organizing Council (NOC) para sa hosting ng Pilipinas.

Nakasaad sa Administrative Order Number 17 na pirmado ni Pangulong Marcos noong Marso 22, 2024 na ang Pilipinas ang magsisilbing chairman ng Asean alinsunod sa napagkasunduan ng regional bloc noong Setyembre 2023 at ito ang mag ho-host sa asean meetings pagsapit ng 2026.

Mahalaga ayon kay Pangulong Marcos na bumuo ng NOC para mangasiwa at manguna sa lahat ng mga programa, aktibidad at mga proyekto na may kaugnayan sa hosting ng Asean 2026 sa bansa.

Pamumunuan ng Executive Secretary ang NOC at magsusumite ng master plan kay Pangulong Marcos sa loob ng 60 araw mula sa petsang inilabas ang kautusan.

Nakasaad din sa AO na lahat ng chief executives ng mga piling lokalidad na magsisilbing lugar para sa Asean 2026 hosting ay iimbitahan bilang mga special members ng Asean NOC committees.

Inatasan din ng NOC committees na bumuo at magsumite ng kanilang trabaho at budget plans.

Samantala, lilikha rin ng isang Special Comittee of Senior Officials for Substantive Matters para bumalangkas at isulong ang agenda ng Pilipinas sa hosting ng Asean summit.

Layunin ng Asean na pabilisin ang pag- unlad ng ekonomiya, social progress at cultural development sa rehiyon sa pamamagitan ng joint endeavors sa diwa ng pagiging patas at partnerhip na magpapalakas ng pundasyon para sa isang masagana at mapayapang komunidad ng Southeast Asian nations

Layunin din ng regional bloc na itaguyod ang katatagan at kapayapaan sa pamamagitan ng pagrespeto sa katarungan at rule of law sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon at pagtalima sa mga prinsipyo ng United Nations charter.