Calendar
PH panalo pa rin sa tourist arrivals sa FIBA World Cup
NATALO man ang tropa ng Gilas Pilipinas subalit panalo pa rin ang Pinas pagdating naman sa tourist arrivals na nanood ng FIBA World Cup
BAGAMA’T malabo ng makahabol ang tropa ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup dahil sa tatlong sunod-sunod na pagkatalo nito. Gayunman, binigyang diin ng House Committee on Tourism na “panalo” at liyamado pa rin ang Pilipinas pagdating sa tourist arrivals na nanood ng mga laro.
Ito ang nabatid ng People’s Taliba kay Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairperson ng Committee on Tourism sa Kamara, na hindi na rin masasabing “luhaan” aniya ang Pilipinas dahil sa masaklap na kapalarang sinapit ng Philippine team sa FIBA World Cup.
Sapagkat sinabi ni Madrona na panalo pa rin ang Pilipinas pagdating naman sa dami ng mga turistang dumagsa sa bansa upang manood ng FIBA World Cup na ginanap sa iba’t-ibang basketball venue. Kabilang dito ang Smart Araneta Coliseum, Mall of Asia Arena at Philippine Arena.
Ayon kay Madrona, hindi na masama ang 600,000 tourist arrivals o spectators na dumating sa Pilipinas kabilang dito ang napakaraming supporters at coaching staff ng iba’t-ibang koponan na lumahok sa kampeonato ng FIBA bagama’t nakatikim ng tatlong sunod na talo ang Gilas Pilipinas.
“Medyo nakakalungkot ang naging kapalaran ng ating Philippine team. Pero sa tingin ko ay panalo parin tayo dahil sa dami ng tourist arrivals na dumagsa dito sa Pilipinas. Malaki kita ang ipapasok nito sa ating ekonomiya,” sabi ni Madrona.
Nauna ng ipinahayag ng kongresista na aabot sa 600,000 ang manonood ng 2023 FIBA World Cup batay sa datos na hawak ng Department of Tourism (DOT) dahil inaasahang malaki ang maitutulong nito para sumigla ang Philippine tourism sa pamamagitan ng malaking kit ana ipapasok nito sa kaban ng gobyerno.
Sinabi ng kongresista na magkaka-alaman sa totoong bilang ng mga spectators sa pamamagitan ng ticket sale. Sapakat dito matatancha kung gaano talaga karami ang mga manonood FIBA World Cup na gaganapin sa iba’t-iabg venue sa bansa kabilang dito ang Smart Araneta Coliseum.