Tulfo

Ping nag-ala Raffy Tulfo sa Tuguegarao, dinagsa ng sumbong sa problema ng mamamayan

342 Views
ospital
PNA file photo ng barangay health worker

Naging ‘sumbungan ng bayan’ ang pakikipagdayalogo ni Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson sa mga dinalaw niyang probinsya sa rehiyon ng Cagayan Valley na bahagi ng Luzon dahil sa iba’t ibang mga problema na idinulog sa kanya.

Tulad ng senatorial candidate niya na si Raffy Tulfo—na sumikat dahil sa pag-aksyon sa mga sumbong ng publiko—naging action man din si Lacson sa mga suliraning inilapit sa kanya, kabilang na ang isyung pangkalusugan at mga benepisyong dapat natatanggap ng mga health worker sa mga barangay.

Tinanong si Lacson at kanyang running mate na si vice presidentiable Tito Sotto III ng isang residente sa Tuguegarao City tungkol sa kung ano ang kanilang mga plano para sa mga barangay health worker na ang ilan ay hindi pa nakarehistro, gayundin ang mga senior citizen nilang kasamahan na hindi nabibigyan ng hazard pay.

Ayon kina Lacson at Sotto, kung sila ang pipiliin ng taumbayan para maging susunod na presidente at bise presidente ay palalakasin nila ang implementasyon ng Universal Healthcare Law (UHCL) bilang prayoridad sa sektor ng kalusugan. Ito ay sa pamamagitan ng paglalagak ng P257-bilyong pondo para ganap na itong maramdaman ang pakinabang ng batas hanggang sa maliliit na barangay.

“‘Pag pinondohan ‘yan (UHCL), isang hospital bed para sa 800 Pilipino; isang rural health unit katumbas para sa 20,000 Pilipino sa barangay; at ‘yung mga barangay health workers natin, lahat ng frontliners mayroon silang tatanggapin mga benepisyo galing sa gobyerno kasi fully funded,” sabi ni Lacson sa ginanap na multi-sectoral meeting sa Tuguegarao City nitong Martes.

“Nagtataka kami tatlong taon na bakit hanggang ngayon ayaw lagyan ng pondo na tama? Alam niyo ang pondo pa lang ngayon para sa low-cost. Hindi tayo maka-graduate doon sa low-cost, makatawid man lang tayo sa medium-cost, e lalo na para sa high-cost—tatlong taon na ‘yan,” ayon pa sa presidential candidate kaya pagsusumikapan umano nila ni Sotto ang tamang pagpapatupad sa UHCL.

Bukod dito, naghain na ang Lacson-Sotto ng Magna Carta of Barangay Health Workers na layong mabigyan ng dagdag na sahod at benepisyo ang mga barangay healthcare worker, tulad ng libreng pagpapa-ospital, insurance coverage, paid leave, cash gift at disability benefit.

Kasama na rin ang subsidiya sa transportasyon tulad ng ibinibigay sa mga person with disability at mga senior citizen.

“Uulitin ko na naman ang problema—sinabi ni Senate President (Sotto) paulit-ulit—ang problema execution ng mga batas. Hindi nila na-a-appreciate kaya tayo nagpasa ng batas para makinabang ang ating mga kababayan. So, hindi pinopondohan—sayang. Dapat kung fully funded ito, ‘yon—‘yon ang mga pakinabang natin. Lahat ng barangays covered,” saad pa ni Lacson.

Bukod sa mga problema sa sektor ng kalusugan, isinumbong din kina Lacson at Sotto ang mga problema sa pamamahagi ng ayuda sa mga tricycle driver, dagdag na pension ng mga senior citizen, at scholarship sa mga estudyante, lalo na ang mga gustong mag-doktor.