Calendar
Ping sa TODA members: Kasama kayo sa fuel subsidy
SANCHEZ MIRA, Cagayan—Tiniyak ni Partido Reporma presidentiable Panfilo Lacson na hindi maagrabyado ang mga nagmamaneho ng tricycle na miyembro ng tricycle operators and drivers association (TODA) sa pondong inilaan ng gobyerno para sa sektor ng transportasyon bilang alalay sa patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa kanyang pakikipagtalastasan sa mga residente ng bayang ito nitong Martes, klarong ipinaliwanag ni Lacson kung paano makukuha ng mga TODA members ang kanilang bahagi sa P5 bilyon mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Kapag hindi niyo nilista ang inyong pangalan sa local government unit, walang basehan sila para i-submit ang inyong mga pangalan sa DILG (Department of Interior and Local Government) … Napaka-importante ngayon pa lang ihanda na ‘yung listahan ng mga pangalan ng mga miyembro,” ani Lacson.
Ang naturang pondo sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act ay bilang alalay sa mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon na umaaray sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil hindi pa naman nagpapasya ang ahensya kung papayagan nila ang hirit na dagdag-pamasahe.
Ipinaliwanag ni Lacson na ang DILG ang ahensyang nakikipag-ugnayan sa LTFRB upang ipamahagi ang ‘pantawid pasada’ sa lahat ng TODA members sa buong bansa.
“Kunin niyo ‘yung kumpletong listahan ng mga TODA member. ‘Pag hindi kayo napalista, hindi kayo mabibigyan ng ayuda, malaki-laki rin po ‘yon—P5,000 o kaya P6,000—para pantulong doon sa taas ng ating fuel,” payo niya sa mga lokal na lider dito kasabay ng paalala na dadaan pa rin ang listahang ito sa balidasyon.
Sabi pa ni Lacson, ang kaparehong panuntunan ay maisasagawa rin ng mga kuwalipikadong magsasaka na dadaan naman ang subsidiya sa langis sa Department of Agriculture (DA). Naglaan ang Department of Energy ng hiwalay na P1.1-bilyong pondo para sa programang ito para matulungan ang sektor ng agrikultura sa epekto ng pagtaas ng langis.
Inihayag din ng presidential candidate na handa siyang tulungan ang mga magsasaka sa Sanchez Mira para magabayan sila sa pagkuha ng kanilang subsidiya. Gayunman, mas makabubuti pa rin aniya na direkta silang makipag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan o sa DA field office sa Cagayan.
Binigyang-diin din ni Lacson sa TODA members at mga grupo ng magsasaka sa probinsyang ito na hindi lamang isang beses ang hakbang na ito ng pamahalaan dahil sa ilalim ng batas, kung papalo sa higit $80 kada barrel ang presyo ng langis sa internasyonal na pamilihan sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan, ay awtomatiko nang ibibigay ang fuel subsidy.
Si Lacson ang kaisa-isang presidentiable na dumalaw sa bayan ng Sanchez Mira, isang third class municipality na mayroong 16 libong rehistradong botante at ang populasyon ay kinapapalooban ng 70 porsyentong magsasaka/mangingisda at 30 porsyentong mga propesyunal.
Layunin ni Lacson at ng ka-tandem na si Senate President Vicente Sotto III na pagkalooban ng maayos na pamahalaan ang mga Pinoy, hindi lamang ang mga nasa lungsod ngunit maging ang mga nasa kanayunan, sakaling silang dalawa ang palarin sa darating na eleksyon sa Mayo.