Calendar

Ping: Senador-judges lang may K magpasiya kung magkokomento sila ukol sa impeachment
TANGING ang mga senator-judges lamang, at hindi ang presiding officer ng Senado, ang may karapatang magpasiya kung sila ay hindi magbibigay ng pampublikong komento ukol sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte. Ito ang iginiit ni incoming Senador Panfilo “Ping” M. Lacson ngayong Linggo.
Naglabas ng pahayag si Lacson kasunod ng ulat na nagsasabing hindi pa ipinagbabawal sa mga senator-judges ang pagbibigay ng opinyon sa publiko kaugnay ng kaso, ayon kay impeachment court spokesman Reginald Tongol.
“Only the senator-judges, not the presiding officer – after agreeing among themselves, or at least a majority of them – can decide not to make public comments on issues pertaining to the impeachment case,” ani Lacson sa kanyang post sa X.
Sakaling ituloy ang paglilitis sa ika-20 Kongreso, si Lacson ay magsisilbing isa sa mga hukom ng Senado na dadaan sa impeachment proceedings.
Bukod dito, binigyang-diin ni Lacson ang kanyang pagkabahala sa isang pahayag ni Tongol, kung saan sinabi nitong maghahain siya ng motion to dismiss “if I were the vice president.”
Aniya, sa pagbibitiw ng naturang pahayag, tila ipinapakita ni Tongol ang posibleng estratehiya ng panig ng depensa — isang hakbang na tinawag ni House prosecution panel spokesman at abogado Antonio Bucoy bilang “inappropriate.”
Ayon pa sa mga ulat, inilahad ni Tongol sa isang news forum noong Sabado na naniniwala ang presiding officer na “healthy” pa sa ngayon ang mga diskusyong umiikot sa impeachment case.
Dagdag ni Tongol, paminsan-minsan lamang gagamitin ang Rule 18 ng Senate Rules of Procedure on Impeachment Trials — kung saan sinasaad na ang presiding officer at mga miyembro ng Senado ay dapat “refrain from making any comments and disclosures in public pertaining to the merits of a pending impeachment trial.”
“Atty. Tongol, being the spokesman of the entire impeachment court, should not limit himself to the sentiment of the presiding officer,” giit ni Lacson.