Calendar
PNP-AKG NASAGIP BIKTIMA NG KFR, 3 KIDNAPER ARESTADO SA Q.C.
NASAGIP ng mga pulis noong Lunes ang isang mayamang negosyanteng Pilipino na dinukot sa Quezon City sa isang operasyon na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng tatlo sa mga kidnapper na unang humingi ng P50 milyong ransom kapalit ng ligtas na pagpapalaya sa biktima, ayon kay Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) director, Brigadier General Glicerio C. Cansilao kahapon.
Ang biktima, na hindi pinangalanan, ay nawala matapos umalis sa kanyang tirahan sa Mandaluyong City noong Pebrero 12. Matapos iulat ng kanyang pamilya ang insidente sa Mandaluyong City Police Station, nagsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad at ini-refer ang kaso sa PNP-AKG nang makumpirmang ito ay isang kidnapping-for-ransom.
Sa ulat kay PNP chief, General Jose Melencio C. Nartatez Jr., sinabi ng opisyal na agad nilang tinutukan ang insidente at hiningi ang buong kooperasyon ng pamilya ng biktima upang maresolba ang kaso.
Kalaunan ay natukoy ng PNP-AKG na humihingi ang mga kidnapper ng P50 milyong ransom na kalauna’y ibinaba sa P4 milyon.
Ayon sa PNP-AKG director, habang apat na araw na bihag ang biktima, humingi ang mga kidnapper sa pamilya ng biktima ng kabuuang P250,000 sa pamamagitan ng iba’t ibang GCash at PayMaya accounts.
Noong Pebrero 16, natunton ng mga operatiba ng PNP-AKG ang kinaroroonan ng biktima at ng mga kidnapper na nagbunsod sa matagumpay na rescue operation.
Nabawi nang buo ang P4 milyong ransom money sa loob ng getaway vehicle ng mga suspek na Toyota Raize malapit sa White Plains, Quezon City bandang alas-10:51 ng umaga noong Lunes.
Narekober din sa loob ng sasakyan ang ilang digital at communication gadgets ng mga suspek na kasalukuyang sumasailalim sa forensic examination.
“Ligtas na ang biktima at muli nang nakapiling ang kanyang pamilya,” ani Brig. Gen. Cansilao.
Kinilala niya ang mga naarestong suspek na sina Tristan Menor, Alvin Bandong at Mark Ayles.
Ang tatlo, kasama ang kanilang umano’y mastermind at iba pang kasabwat na hindi pa pinangalanan, ay sasampahan ng kasong kidnapping-for-ransom na may kasamang serious illegal detention.
Ayon kay Brig. Gen. Cansilao, lumabas sa imbestigasyon na dinukot ang biktima habang bumibisita sa ilan niyang mga negosyo.
“Akala ng kanyang pamilya, nawawala lang siya at may pinuntahan at hindi agad nakabalik pero kalaunan, nakatanggap na sila ng ransom demand mula sa mga kidnapper,” aniya.
“Ang panawagan ko sa iba pang mga suspek, sumuko na kayo o mahuhuli rin namin kayo,” diin pa niya.
Patuloy pa rin umano nilang sinisiyasat ang background ng mga suspek at idinagdag na ang hinihinalang utak ng krimen ay isang wanted person.
Hindi na siya nagbigay ng iba pang detalye.
Iniulat din ni Brig. Gen. Cansilao ang pagkakasagip sa isang Indian national at pagkakaaresto sa dalawang lalaking dumukot dito para sa ransom noong Pebrero 12.
Kinilala ang mga suspek na isa ring Indian national na may alyas na “Guru” at ang live-in partner nitong si “Imee,” 45.
Pormal na kinasuhan ang dalawa ng kidnapping-for-ransom at serious illegal detention sa Department of Justice noong nakaraang Linggo.
Ayon kay Brig. Gen. Cansilao, mula Enero hanggang sa kasalukuyan ngayong taon, nakapag-aresto na sila ng 52 wanted persons, kung saan 16 sa mga ito ay may warrant of arrest para sa kidnapping-for-ransom habang ang iba naman ay nahaharap sa mga kasong murder, attempted homicide, rape, theft, estafa at human trafficking.
Pinakahuli sa mga ito ang isang dating Army Scout Ranger na wanted kaugnay ng pagdukot sa isang Pakistani national sa Misamis Oriental noong 2007. Ang suspek na kinilalang si dating Army 2nd Lieutenant Preacher Jacob ay kabilang sa most wanted list ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at may nakalaang P300,000 pabuya sa kanyang pagkakaaresto.
Ayon kay Brig. Gen. Cansilao, inaresto ng mga tauhan ng AKG Mindanao Field Unit ang 48-anyos na residente ng Compostela Valley sa Davao del Norte batay sa isang non-bailable warrant of arrest para sa kidnapping-for-ransom na inilabas ni Judge Cesar Santamaria ng Makati City Regional Trial Court Branch 145 noong Hunyo 24, 2008.
Sinabi ng PNP-AKG director na ang akusado ay itinuring na “negotiator” sa pagdukot sa isang Pakistani national sa kahabaan ng Santuico Street sa Makati City noong Mayo 24, 2007.

