Calendar
SUSPEK SA CHOP-CHOP CASE NAHULI NA

NAARESTO ng mga tauhan ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) Martes ng gabi ang isa sa mga suspek sa umano’y pagpaslang sa isang hindi pa nakikilalang lalaki na pinira-piraso ang katawan at itinapon sa Del Pan Bridge sa Binondo, Maynila.
Ito ang nakasaad sa ulat na isinumite kay Jose Melencio C. Nartatez Jr..
Ayon kay PNP-HPG director Hansel M. Marantan, kinilala ang nadakip na si Victor Tandico na sangkot umano sa krimen kung saan ang biktima ay hiniwa-hiwalay ang katawan, inilagay sa asul na plastic drum, at itinapon sa Del Pan Bridge bandang alas-7:30 ng gabi noong Linggo.
Dinakip si Tandico ng mga operatiba ng HPG National Capital Region sa pamumuno ni Lt. Col. Joey T. Caise, katuwang ang Manila Police District Homicide Section at Pasay City Police Station, sa loob ng bahay sa No. 1424 Mactan Street, Baclaran, Pasay City bandang alas-10 ng gabi ng Martes.
Sinabi ni Marantan na natunton ang suspek matapos makatanggap ng impormasyon ang HPG-NCR hinggil sa kinaroroonan ng isang L-300 van na ginamit sa pagtatapon ng bangkay. Agad na tinungo ng mga pulis ang lugar at doon nakita ang sasakyang ginamit sa pagbiyahe ng drum na kinalalagyan ng mga labi.
Sa imbestigasyon, lumitaw na inupahan umano ni Tandico ang L-300 van mula sa rehistradong may-ari nitong si Francisco Lagasca, na nagpadala naman ng driver na si Omar Alip sa pick-up site.
Sa pagtatanong kay Alip, sinabi niyang wala na sa lugar si Tandico nang siya’y dumating at inutusan lamang siyang kunin ang plastic drum bandang alas-5:30 ng hapon sa 2001 Residence sa Barangay 13, Roxas Boulevard, Pasay City.
Sa pakikipag-ugnayan sa Pasay City Police sa pamumuno ni Col. Angelito de Sesto at sa MPD Homicide Section, nagtungo ang mga awtoridad sa 2201 Residences kung saan positibong kinilala ni Alip ang guwardiyang tumulong sa kanya sa pagkakarga ng drum sa sasakyan.
Sa pagsusuri ng CCTV footage, nakita na bandang alas-5:26 ng hapon noong Linggo ay may isang Chinese national na nakitang may bitbit na asul na plastic drum sa elevator, kasama ang isang security guard. Makalipas ang limang minuto, namataan si Tandico na nakikipagkita sa naturang dayuhan sa harap ng gusali, at kapwa nila isinakay ang drum sa L-300 van.
Batay sa mga kuha ng CCTV, isinagawa ang pag-aresto kay Tandico. Siya at ang isa pang suspek ay haharap sa kasong murder na walang piyansa.
Ayon kay Col. De Sesto, pinroseso ng SOCO ng PNP Forensic Group ang Room 1510 ng 2201 Residences kung saan pinatay at pinira-piraso ang biktima. Natagpuan doon ang mga bakas ng dugo, unan at mop na may dugo, at iba pang bahagi ng katawan. Ang ulo, dalawang braso at dalawang paa ng biktima ay pinutol bago isinilid sa plastic drum.
Ayon sa guwardiya ng gusali, sinabi umano sa kanya ng Chinese national na mabigat ang drum dahil puno ito ng softdrinks. Ngunit sa karagdagang pagsusuri ng CCTV, nakita ring bumalik ang mga suspek sa parehong unit matapos itapon ang bangkay.
Lumabas din sa imbestigasyon na sinaksak muna sa leeg ang biktima bago ito pinaghihiwa-hiwalay.
“We’re still conducting follow-up investigation and operation to determine the motive behind this case and arrest the other suspect. However, the arrested suspect who was reported to be a Chinese interpreter is refusing to talk at the moment,” pahayag ni Col. De Sesto.
Dagdag pa ng opisyal, sa loob mismo ng kuwarto ng suspek naganap ang pagpatay, batay sa mga ebidensyang narekober ng forensic team. Tinitingnan din ng mga imbestigador ang posibilidad na may kinalaman ang hindi nabayarang utang ng biktima sa krimen, at hindi rin inaalis ang anggulong maaaring may kaugnayan ito sa POGO, gaya ng mga naunang kaso ng pagdukot at pagpaslang sa mga dayuhan na may malalaking pagkakautang.
Samantala, ang driver at may-ari ng inupahang van ang nag-ulat sa PNP-HPG matapos nilang mapanood sa telebisyon ang balita kaugnay ng insidente.

