Taguig

Trahedya sa Taguig City: MPV inararo 14 motorsiklo, sasakyan; mga 20 katao sugatan

Edd Reyes Feb 17, 2026
162 Views

NAGTAMO ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang hindi bababa sa 20-katao nang araruhin ng rumaragasang multi-purpose vehicle (MPV) na minamaneho ng isang pulis ang 14 na motorsiklo at isang kotse Lunes ng gabi sa Taguig City.

Kaagad namang naaresto ang driver ng sasakyan na napagalamang pulis na may ranggong Staff Sergeant na nakatalaga sa PNP-Aviation Security Group (AVSEGROUP) habang dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang mga sugatang motorista.

Nakuhanan naman ng CCTV ng Taguig Traffic Investigation Office ang nangyaring insidente sa Cayetano Blvd,, Brgy. Tuktukan dakong alas-6 ng gabi matapos umanong mawalan ng preno ang MPV at napunta sa linya ng kalsadang para sa mga motorsiklo.

Sa pinakahuling ulat ng pulisya, wala namang nagtamo ng grabeng pinsala sa mga rider at kanilang angkas maliban sa ilang isinugod sa pagamutan, kabilang ang isang pumailalim at nakaladkad bago sumalpok ang sasakyan sa bakal na barrier sa may bangketa ng lansangan.

Sinabi ni P/Lt. Andres Echavez Jr., hepe ng Taguig Traffic Investigation Office, wala namang palatandaang lasing o nakainom ang driver na pinatunayan din ng ilang mga nakausap na biktima na wala silang nalanghap na amoy alak sa suspek na sinabing sadya lang nawalan ng preno ang sasakyan.

Wala rin isa man sa mga biktima ang handang maghain ng kaso sa pulis matapos na makipag-areglo sa kanila at nangakong babayaran ang mga nasirang motorsiklo at kotse, pati na ang pagpapagamot sa ospital.