Calendar
PNP-HPG dehins demoralized; carnap suspects inaresto
MAS maraming suspek na sangkot sa mga kaso ng pagnanakaw ng sasakyan ang naaresto at mas maraming mga nakaw na motor at motorsiklo ang nasamsam ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ngayong linggo.
Ayon kay PNP-HPG Director Brigadier General William Segun, hindi nakaapekto sa moral ng kanilang mga tauhan ang mga isyung kinahaharap ng PNP at patuloy sila sa kanilang tungkulin.
Sa kanyang ulat kay PNP chief General Nicolas D. Torre III, umabot noong 2024 sa 2,629 ang kabuuang kaso ng pagnanakaw ng sasakyan sa bansa. Nasa 379 sa mga nanakaw mga kotse at 2,250 ang motorsiklo.
Mula Enero hanggang Hulyo 2025, 1,367 na sasakyan ang naiulat na nanakaw—171 dito mga kotse at ang iba naman ay motorsiklo.
Kabilang dito ang 1,103 kaso ng mga sasakyang nanakaw habang nakaparada; 153 kaso ng sapilitang pagkuha; at 140 insidente ng hindi naibalik na mga hiniram na sasakyan.
Noong 2024, nagtala ang PNP-HPG ng 2,005 insidente—147 mga kotse at 1,858 mga motorsiklo–ng nanakaw na sasakyan habang nakaparada.
May 294 kaso rin ng hindi naibalik na mga sasakyan (159 kotse, 135 motorsiklo), at 292 kaso ng sapilitang pagkuha ng sasakyan (15 kotse, 257 motorsiklo).
Noong Lunes, isang opisyal ng barangay ang inaresto ng HPG North Cotabato dahil sa ilegal na pagdadala ng baril at bala sa isang anti-carnapping at traffic enforcement operation sa Brgy. Baguer, Libungan, Cotabato.
Pinangunahan ni Capt. Joel Baugbog Jr. ang operasyon kung saan nasamsam ang isang kalibre .45 baril na may limang bala mula sa 57-anyos na opisyal ng barangay mula sa Maguindanao del Sur.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013) ang opisyal.
Noong Miyerkules, ilang mga suspek sa iba’t-ibang kaso ang inaresto sa Negros Occidental at Rizal.
Isa sa mga suspek, si alyas Mcjohonill, naaresto sa Brgy. Balicotoc, Ilog, Negros Occidental dahil sa qualified rape.
Inaresto rin si alyas Rocky sa Antipolo City, Rizal dahil sa paglabag sa RA 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016. Kabilang umano siya sa mga sangkot sa “Rent-Tangay” scheme.
Nasamsam rin ng HPG ang Mitsubishi Montero sa Tabuk City, Kalinga; Toyota Vios sa Noveleta, Cavite; Toyota Avanza sa Sta. Cruz, Manila; at Mitsubishi Xpander sa Sampaloc, Manila noong Huwebes.
Tiniyak ni Brig. Gen. Segun sa publiko ang kanilang dedikasyon sa kaligtasan ng mamamayan, propesyonalismo at pagtutok sa hustisya.

