Calendar
PNP NAARESTO NA SI QUIBOLOY!
NAHULI na ng Philippine National Police (PNP) ang takas na si Pastor Apollo C. Quiboloy Linggo matapos ang walang humpay na pagtugis sa kanya sa Kingdom of Jesus Christ compound sa Davao City, sinabi ni Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin C. Abalos Jr. Linggo ng hapon.
Kinumpirma ni PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang pagkahuli kay Quiboloy na nakatakdang ilipad sa Manila at pansamantalang ilagay sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Walang ibang detalyeng ibinigay tungkol sa pagkaka-aresto ng nagsasabing siya ang ‘Son of God’ o Anak ng Diyos.
Si Quiboloy ay nahuli matapos sabihin ni Gen. Marbil na hindi nila tatantanan ang paghanap dito makaraang pawalang bisa o ideklarang null and void ng Court of Appeals ang Temporary Protection Order na inilabas ng isang korte sa Davao.
Ang pinawalang Temporary Protection Order ay inutusan ang kapulisan na tigilan ang mga aksyon na nagbabanta umano sa kaligtasan at seguridad ng mga tagasunod ng KOJC.
Sa utos ni Gen. Marbil, sinabi ni Police Regional Office 11 (PRO11) director, sinabi Brigadier Gen. Nicolas D. Torre III na ang kanilang operasyon para ma-aresto si Quiboloy ay ipinagpatuloy matapos ang walong oras na pagdinig sa Senado kung saan inimbestigahan ang mga umano’y mga abusong ginawa ng pulisya sa paghahanap kay Quiboloy at apat pang kasama niyang akusado sa mga kasong child abuse at trafficking.