Dayang Source: PAPI

PNP nangako na makakamit agarang hustisya sa pagpaslang kay Johnny Dayang

Alfred Dalizon Apr 30, 2025
17 Views

May kasamang ulat ni Arlene Rivera

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., agad na kumilos ang Philippine National Police (PNP) upang matiyak na makakamit ang hustisya sa pagpaslang kay Juan “Johnny” Dayang, isang batikang mamamahayag.

“Nakikiramay ang buong PNP sa pamilya ni Ginoong Dayang—isang ginagalang na haligi ng pamamahayag sa bansa, at President Emeritus ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI). Ang kanyang mga dekadang serbisyo ay nag-iwan ng malalim na marka sa larangan ng pamamahayag sa Pilipinas,” sinabi ni PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil sa isang pahayag.

Ayon sa paunang ulat ng Kalibo Municipal Police Station, si Ginoong Dayang, 89, ay binaril ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng kanyang tahanan sa Kalibo, Aklan, dakong alas-8:00 ng gabi noong Martes, Abril 29. Isinugod siya sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

“Kami ay mariing kumokondena sa karumal-dumal na krimeng ito. Si Ginoong Juan ‘Johnny’ Dayang ay hindi lamang respetadong mamamahayag, kundi isang haligi ng media sa ating bansa.

Ang pananakit sa isang may edad na kagaya niya, sa mismong tahanan pa niya, ay insulto sa dignidad ng tao at tahasang pag-atake sa kalayaan ng pamamahayag na buong buhay niyang ipinaglaban. Hindi titigil ang PNP hangga’t hindi napapanagot ang mga salarin,” ayon sa Hepe ng Pambansang Pulisya.

Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang PNP sa Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) at iba pang imbestigatibong ahensya upang agad na matukoy at madakip ang mga nasa likod ng pamamaslang.

“Namobilize na natin ang ating mga regional units at investigative teams, kabilang na ang PNP Media Vanguards, upang tiyaking maibibigay ang hustisya sa lalong madaling panahon,” dagdag pa ni Gen. Marbil. “Ang Media Vanguards, na binubuo ng mga piling PNP officers na may kasanayan sa pakikipag-ugnayan sa media, ay katuwang din sa pagpapalakas ng proteksyon sa mga mamamahayag sa buong bansa,” ayon sa PNP chief.

Kasabay nito, ipinapaabot din ng PNP ang pakikiisa sa panawagan ni PTFOMS Executive Director Undersecretary Jose Torres Jr., at ang buong suporta nito sa media community.

Nanawagan ang Philippine National Police sa publiko na kung may impormasyon kaugnay sa kaso ay agad itong ipaalam sa mga awtoridad upang mapabilis ang imbestigasyon. Sama-sama nating ipaglaban ang ating mga mamamahayag at ang mga prinsipyo ng katotohanan, hustisya, at demokrasya.