Calendar

PNP tiniyak mapayapang halalan; PRO7, PRO8 binisita ni Marbil
MULING tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan na mapanatiling malinis, tapas at mapayapa ang darating na national at local elections sa Lunes sa utos ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Binisita ni PNP chief General Rommel Francisco D. Marbil ang headquarters ng Police Regional Office 8 sa Leyte at Police Regional Office 7 sa Cebu upang suriin ang huling yugto ng mga paghahanda sa seguridad ng eleksyon.
Unang dinalaw ni Gen. Marbil ang PRO-8 headquarters sa Camp Ruperto Kangleon sa Palo, Leyte, kung saan siya mismo ang namuno sa inspeksyon ng mga plano sa seguridad at kahandaan ng mga pulis sa Eastern Visayas.
Pinangunahan din ng PNP chief ang pagbabasbas at inagurasyon ng dalawang mahahalagang pasilidad sa loob ng kampo—ang pinalawak na Immaculate Heart of Mary Chapel at ang bagong PRO-8 grandstand.
Ayon sa kanya, patunay ang mga pasilidad na ito sa patuloy na pamumuhunan ng PNP hindi lamang sa imprastraktura kundi pati na rin sa moral at espiritwal na kapakanan ng kanilang mga tauhan.
Kasunod nito, isang talakayan sa seguridad ang naganap kung saan inilatag ng pamunuan ng PRO 8 sa ilalim ni Brigadier Gen. Jay R. Cumigad ang huling paghahanda kaugnay ng eleksyon.
Kabilang sa estratehiya ang deployment ng mga pulis, pagtukoy sa mga potensyal na banta at koordinasyon sa pagitan ng Commission on Elections, Armed Forces of the Philippines at iba pang ahensya.
Binigyang-diin ni Gen. Marbil ang kahalagahan ng patas at tapat na kapulisan sa pangangalaga ng integridad ng halalan sa kanyang pagbisita sa Leyte.
Pinagtibay rin niya ang pangako ng pamunuan ng rehiyon sa tiwala at kaligtasan ng publiko.
“Tuparin natin ang pangako natin dito sa Region 8—ang gusto ng pulis, ligtas ka. Hangarin natin ang zero violence,” dagdag pa niya.
“Lagi nating gawin ang tama. Manatili tayong tapat sa ating sinumpaang tungkulin, kumilos nang may integridad, at sumunod lamang sa mga makatarungang utos.
Huwag nating hayaang madungisan ang ating mandato,” sabi ng heneral.
Sa hapon, nagtungo si Gen. Marbil sa Police Regional Office 7 sa Cebu City para manguna sa isang command conference na nakatuon sa pagtiyak ng kahandaan ng operasyon at koordinasyon sa seguridad sa Central Visayas.
Ipinakita ng PRO-7 na pinamumunuan ni Brig. Gen. Redrico A. Maranan ang detalyadong ulat ng kanilang mga nagawa mula Enero hanggang Abril 30, kabilang ang mga mahalagang tagumpay sa pagpigil sa krimen, pagpapatupad ng batas, at pakikipag-ugnayan sa komunidad.
Dahil dito, binigyan ni Gen. Marbil ng parangal ang mga natatanging personnel na nagpakita ng tapang at dedikasyon sa kanilang serbisyo.
Sa kanyang pahayag sa pamunuan, hinikayat ng opisyal l ang lahat ng yunit na manatiling nakatuon, patas, at propesyonal sa buong eleksyon.
“Malinaw ang ating misyon: tiyakin ang ligtas, tapat, malaya, at maayos na halalan. Zero election-related violence—iyan ang ating layunin, at makakamit natin ito sa pamamagitan ng pagkakaisa, disiplina, at walang humpay na dedikasyon,” aniya.
Naglaan din siya ng oras upang makipagdayalogo sa mga pulis sa frontline, hinihikayat ang bukas na komunikasyon at pagtalima sa mga hamon ng operasyon sa ground level.
“Ang PNP, katuwang ang Comelec, AFP, at iba pang ahensya, ay ganap nang handa upang pangalagaan ang integridad ng halalan. Utang natin ito sa sambayanang Pilipino,” binigyang-diin ni Gen. Marbil.