Calendar
Poe sinigurado MC riders tuloy ang trabaho
SINISIGURADO ni Senate Finance Committee Chairperson Senator Grace Poe na hindi mauuwi sa pagkawala ng trabaho ng mahigit 60,000 motorcycle riders sa bansa ang kawalan ng batas na nagre-regulate sa kanilang operasyon.
Ayon kay Poe, may kapangyarihan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na payagan ang patuloy na operasyon ng mga motorcycle riders, na isa nang mahalagang paraan ng transportasyon para sa milyon-milyong Pilipino.
“Nasa LTFRB naman talaga ang deadline kung itutuloy nila ito o hindi. Pwede naman silang magkaroon ng extension pending the passage of the bill. Sila naman yung pumapayag dyan,” ani Poe.
“Kung kailangan nila ng Senate resolution mula sa amin para meron silang legal cover, pwede naman naming gawin ‘yan. Iyong resolution ay pinipirmahan ng mga senador para sabihin na suportado namin ang extension habang ang panukalang batas ay aming sinusuri,” dagdag pa niya.
Bilang dating pinuno ng Senate Committee on Public Services, sinabi ni Poe na sinimulan ng komite ang mga pagdinig sa mga panukalang batas na may kaugnayan sa motorcycle-for-hire ilang taon na ang nakalipas.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng motorcycle taxis bilang isang ligtas at maaasahang paraan ng transportasyon na nagbibigay ng trabaho sa libu-libong riders.
“Sa mga kababayan, huwag po kayong mag-alala sapagkat napaka-importante nitong serbisyo na ito ng mga motorcycles for hire, at hindi ito dapat itigil ng LTFRB dahil lang hindi pa naipapasa ang batas,” pahayag ni Poe.
Ipinaliwanag ng senador na natapos na ang pilot study na naglunsad ng test runs para sa regulated na operasyon ng motorcycle taxis at couriers, at ito ang ginagamit na batayan upang patatagin ang panukalang batas.
Nagbabala naman ang LTFRB na maaaring maging “illegal” ang operasyon ng motorcycle taxis kung magtatapos ang kasalukuyang ika-19 na Kongreso nang hindi naipapasa ang batas.
Ayon kay Poe, nais ng mga senador na magkaroon ng komprehensibong batas na sumasaklaw sa mahahalagang aspeto ng operasyon ng motorcycle taxis tulad ng lisensya, specifications ng mga sasakyan, diskuwento, insurance, at mga safety regulation.
“We need to be very specific and comprehensive with this law to ensure we will have a smooth rollout,” aniya.
“Huwag matatakot ang ating mga kababayan, ang ating mga pasahero o kaya ‘yung mga providers nito dahil habang itong batas na ito ay ating binabalangkas, tuloy-tuloy pa rin po ang kanilang pamamasada at paggamit nitong mga apps na ito para hindi naman mawala ng transportasyon ang ating mga kababayan,” dagdag pa ni Poe.