Tulfo

Pondo ng gobyerno para sa livelihood palawigin pa – Tulfo

88 Views

DAPAT palawigin pa ng pamahalaan ang pamamahagi ng libreng pondo pang hanap buhay ng mga mahihirap at walang kinikita sa bansa.

Ito ang inihayag ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo sa founding anniversary ng Market Vendors Cooperative ng Puerto Princesa City nitong linggo lang.

“May libreng pondo na ipinamamahagi ang DSWD sa mga walang hanapbuhay at kinikita na P15,000 bawat tao,” ayon kay Cong. Tulfo.

Aniya, “ito ay sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng ahensya para matulungan ang mga pamilya na kapos o walang kinikita”.

Ang SLP ay tulong ng administrasyong Marcos para maiangat ang antas ng buhay ng mahihirap na Pilipino.

Sa ngayon may P7.4 bilyong pondo ang SLP para sa taong 2024.

“Kailangan lakihan pa ang pondong ito sa susunod na taon para mabigyan din ang mga solo parents, senior citizens at PWDs na kalimitan ay kulang o walang kinikita para maitawid ang pangangailangan sa pang-araw-araw na gastusin,” anang House Deputy Majority leader.

“Ito naman talaga ang gusto ng pangulo na sabay-sabay tayong lahat sa pagbangon lalo na ang mga mahihirap at walang kinikita,” dagdag pa ni Tulfo.