Calendar
Posibleng di na makasuhan, makulong nanghalay sa rape victim na naging misis
AMINADO si 4Ps Party List Cong. JC Abalos na posibleng hindi na mapapanagot sa batas ang isang lalake na napatunayang hinalay nito ang kaniyang napangasawa o naging “rape victim” sakaling hindi na rin magka-interes ang babae na isampa ang kaso laban sa kaniyang rapist na mister.
Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Abalos na mangyayari lamang na hindi na makasuhan at makulong ang isang lalake na dating rapist ng kaniyang misis kung ang mismong babae ay magpakita ng kawalan ng interes.
Ipinaliwanag ni Abalos na kahit pa ang gobyerno ang magsampa ng kaso o maghabol laban sa nasabing lalake (rapist) kung ang mismong asawa naman ay hindi na interesado at hindi na rin dumadalo sa mga court hearings kaugnay sa kaso ay posibleng ibabasura din ng Korte ang naturang kaso.
“Kunwari nagka-ayusan na sila at ayaw na niyang magpatuloy ng kaso puwede piliin ng babae na huwag na lamang ipagpatuloy ang kaso laban sa kaniyang mister. Pero ang Estado pa rin ang maaaring magsampa ng kaso,” sabi ni Abalos.
Ayon kay Abalos, maaaring hindi na makasuhan ang lalakeng rapist kung ang mismong babae ay hindi na rin interesadong magsampa ng kaso laban sa kaniyang mister kung sakaling napamahal na rin sa kaniya ang lalakeng dating lumapastangan ng kaniyang pagka-babae.
Gayunman, binigyang diin ng kongresista na bagama’t pinatawad na ng babae ang kaniyang mister na dating nanghalay sa kaniya hindi pa rin aniya makaliligtas ang nasabing lalake dahil maaaring ang Estado ang magsampa ng kaso laban sa kaniya o sinoman sa mga kamag-anak ng babae.
“Puwedeng piliin ng babae na huwag ng ipagpatuloy ang kaso laban sa kaniyang mister. Pero kung ang Estado ang nagsampa ng kaso, simple lang ang solusyon diyan. Hindi na natin siya makikita sa batas pero makikita natin siya sa practice ng mga abogado sa Korte,” paliwanag ni Abalos.
Nauna nang ipinahayag ni Abalos na “walang forever” dito sapagkat kahit pinatawad at pumayag na pakasalan ng isang “rape victim” ang taong lumapastangan at dumapurak sa kaniyang pagka-babae posibleng habulin parin ng gobyerno ang rapist na asawa para sampahan ng kasong rape hanggang sa makulong.