Calendar
Posibleng paglabag ng NGCP sa Anti-Dummy Law, foreign ownership pinapasiyasat sa Kamara
INIREKOMENDA ng House committee on ways and means ang pagsasagawa ng malalimang pagsisiyasat upang matukoy kung lumabag ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Anti-Dummy Law.
Ito’y matapos makuwestyon ang istruktura ng pagmamay-ari at pamamahala sa NGCP, pati na rin ang pagmamay-ari ng mga dayuhan ng malaking bahagi ng kompanya na posible umanong paglabag din sa Konstitusyon.
Sa briefing ng komite ngayong Martes, inilatag ng chairman na si Albay 2nd District Rep. Joey Salceda ang mga aniya’y nakakabahalang kontrol ng mga dayuhan sa pamamahala sa NGCP.
Iginiit ni Salceda na ang NGCP, na siyang namamahala at nagpapatakbo ng power transmission grid ng Pilipinas, ay dapat pagmamay-ari ng mga Pilipino.
Batay sa regulatory disclosure, ang 60 porsiyento ng NGCP ay pagmamay-ari ng Pilipino sa pamamagitan ng Synergy Grid of the Philippines (SGP), habang ang nalalabing 40 porsiyento ng kompanya ay kontrolado ng State Grid Corporation of China (SGCC) — isang state-owned enterprise na pinamamahalaan ng Chinese Communist Party.
Gayunman, may dalawang dagdag na subsidiary ang SGP para sa indirect ownership sa NGCP.
Naniniwala si Salceda na may impluwensya ang mga dayuhan sa ownership structure at operational practices ng NGCP.
“While the NGCP has denied that it is controlled by the [SGCC], and that it has no executives that are Chinese nationals, its chairman is Chinese, a top official of the SGCC, despite [SGP] supposedly being a larger shareholder than the [SGCC],” punto ni Salceda.
May 60 porsiyento ng voting rights ang SGP sa NGCP, matapos ang share-swap deal na nagbibigay ng 67 porsiyentong bahagi nito sa OneTaipan Holdings Inc. at Pacifica2 Holdings.
Pagmamay-ari ng OneTaipan ang Monte Oro Grid Resources Corp., na may 30 porsiyentong stake sa NGCP, habang ang Pacifica2 ang may-ari ng Calaca High Power Corp., na mayroon ding 30 porsiyento.
Diin ni Salceda na ang ownership structure ng NGCP na hinati sa SGCC, Monte Oro Grid Resources at Calaca High Power ay kailangang busisiin sa ilalim ng “grandfather rule” ng Korte Suprema.
Dito sinusuri ang beneficial ownership at ang kontrol sa patong-patong na corporate structures, upang matiyak na tumatalima ito sa limitasyong itinakda ng Konstitusyon.
“We must look into the citizenship of the individual stockholders, i.e., natural persons, of that investor corporation to determine if the constitutional and statutory restrictions are complied with,” punto ni Salceda.
“If the shares of stock of the immediate investor corporation is in turn held and controlled by another corporation, then we must look into the citizenship of the individual stockholders of the latter corporation,” dagdag niya.
Bagamat nakatalima sa 60-40 Filipino-to-foreign equity ratio, kung ipapatupad ang grandfather rule ay kailangan ng dagdag pang pagsusuri kung may duda sa tunay na pagmamay-ari at kontrol.
“A resort to the Grandfather Rule is necessary if doubt exists as to the locus of the beneficial ownership and control,” paliwanag ni Salceda.
“In this case, a further investigation as to the nationality of the personalities with the beneficial ownership and control of the corporate shareholders in both the investing and investee corporations is necessary,” dagdag pa niya.
Inilantad pa ni Salceda ang komposisyon ng Board of Directors ng NGCP na binubuo ng ilang Chinese nationals na may mahahalagang posisyon.
Kabilang dito si Chairman Zhu Guangchao (Chinese); Vice Chairmen Robert Coyiuto Jr. (Filipino) at Henry Sy Jr. (Filipino); President/CEO Anthony Almeda (Filipino); at Directors Jose Pardo (Filipino), Francis Chua (Chinese), Shan Shewu (Chinese), Liu Ming (Chinese), Liu Xinhua (Chinese) at Paul Sagayo Jr. (Filipino).
Batay rin aniya sa mga opisyal na source mula sa gobyerno ng China, ang SGCC ay mayroong karapatan para patakbuhin ang Philippine grid.
“The official website of China’s Belt and Road Initiative says the State Grid gained the ‘right to run’ the Philippine grid,” diin pa niya.
Mayroon din aniyang ulat na inilathala ng isa sa mga opisyal ng SGCC na nagsasabi na ang Chinese entity ay nakikibahagi sa pamamahala ng overseas holdings nito, kabilang ang operational at senior management decisions.
Sa ilalim ng Anti-Dummy Law (Commonwealth Act No. 108, as amended) pinagbabawalan ang mga hindi Pilipino na makibahagi sa pamamahala, pagpapatakbo o pagkontrol ng anomang entity na sangkot sa nationalized o partially nationalized activity.
“For violations of the Anti-Dummy Law, the penalty of forfeiture of ‘such right, franchise, privilege, and the property or business enjoyed or acquired in violation of the provisions of this Act’ may be imposed,” sabi ni Salceda.
Una nang ibinabala ng ilang mambabatas ang pagkontrol ng mga dayuhan sa NGCP na maaaring paglabag sa legal na limitasyon at maging banta sa seguridad sa kuryente ng bansa.
Anila na ang impluwensya ng dayuhan sa isang kritikal na public utility gaya ng national grid ay maaaring magkaroon ng mabigat na implikasyon sa bansa.
Kung mapatunayan, maaaring bawiin ang prangkisa ng NGCP at ibabalik ang konrol sa mga imprastraktura nito sa gobyerno ng Pilipinas.