Poste

Poste ng Meralco ‘pinahilig’ ng hangin sa isang bahay, mga residente natakot

Edd Reyes Sep 3, 2026
191 Views

PINABAGSAK ng malakas na hangin ang lumang poste ng Meralco na humilig sa isang bahay na nagdulot ng takot sa mga residente ng Barangay 184 Huwebes ng umaga sa Pasay City.

Bukod sa luma na ang poste, may nakakabit pang dalawang transformer dito kaya’t inabisuhan kaagad ng barangay ang may 500 kabahayan sa St. Peter St. sa bahagi ng PAL Gate 2 Brgy. 184 na patayin muna ang kani-kanilang circuit breaker dahil nadaganan din ng poste ang mga high tension wire sa lugar.

Pasado alas-10 ng umaga nang umihip ang malakas na hangin sa lugar hanggang napansin na lamang ng mga residente ang unti-unting pagbagsak ng lumang poste.

Kaagad namang kinordon ng mga tauhan ng pulisya at barangay ang lugar upang maiwasan ang lalu pang malaking disgrasya sa oras na tuluyang mabali ang poste at bumagsak sa mga nagdaraang tao at sasakyan.

Nanawagan din si Punong Barangay Julie Barrameda sa agarang pagresponde ng Meralco upang maalis na at mapalitan ng bago ang poste upang magkaroon na sila ng supply ng kuryente sa lugar.