Calendar

Preso dahil sa panghahalay nakapuga, nahuli
NAARESTO ng mga pulis ang pugante na may kasong qualified rape at attempted qualified rape sa pinagtaguang lugar noong Martes sa Caloocan City.
Dakong alas-6:30 ng umaga nang salakayin ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) director P/BGen. Josefino Ligan ang bahay ng 37-anyos na pugante sa Package 2, Block 7, Bagong Silang, Brgy. 176.
Natukoy ng mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) ang kinaroroonan ng akusado na may inilaang pabuyang P150,000 para sa kanyang pagkakadakip sa tulong ng intelligence team ng NPD.
Ayon kay BGen. Ligan, may warrant of arrest na inilabas si Caloocan City Family Court Presiding Judge Barbara Aleli Hernandez-Briones ng Branch 1 laban sa akusado para sa kasong dalawang bilang ng qualified rape at attempted qualified rape.
Walang piyansang inirekomenda ang hukuman sa unang kaso habang may inilaang P120,000 na piyansa para sa kasong qualified attempted rape.
Nagiging qualified ang rape ang kaso kung ang biktima menor-de-edad na pinagsamantalahan ng ama, tiyuhin, guardian, pangalawang magulang o kaanak na kadugo at maging kamag-anak sa pamamagitan ng kasal.