Calendar

PRO-3 tiniyak seguridad ng publiko ngayong Semana Santa
CAMP OLIVAS, City of San Fernando–Mas pinaigting pa ng Police Regional Office (PRO)-3, sa pamumuno ni Regional Director Brig. Gen. Jean Fajardo, ang mga hakbang para sa seguridad at kaligtasan upang maiwasan ang pagkalunod at iba pang aksidente sa buong rehiyon.
Hinimok ni Fajardo ang publiko na mag-ingat kapag nagsasagawa ng mga aktibidad sa tubig. “Kung plano mong lumangoy sa dalampasigan, siguraduhing may kasama kang mga bihasang manlalangoy,” ani Fajardo.
Pinaalalahanan niya ang mga magulang at tagapag-alaga na bantayang mabuti ang kanilang mga anak habang naliligo sa pool, beach o ilog.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pag-obserba ng mga safety signage na naka-post sa mga swimming area.
Pinayuhan din ang mga nagbabakasyon na bigyang-pansin ang mga lokasyon ng mga first-aid station at police assistance desk sa kanilang mga destinasyon upang matiyak ang agarang suporta kapag may emergency.
Upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, nagtalaga ag PRO-3 ng mahigit 1,400 na pulis upang tauhan ang mga Police Assistance Desk na nakaposisyon sa mga pangunahing lansangan at mga hotspot ng turista.
Ang mga tauhan na sinanay sa Water Search and Rescue (WASAR) itinalaga na rin sa iba’t-ibang swimming area upang suportahan ang mga lifeguard at magbigay ng mabilis na pagtugon sa anumang sakuna.
“I-enjoy nating lahat ang season nang ligtas at responsable. Ang layunin natin makauwi ang lahat na may masasayang alaala at libre sa anumang hindi kanais-nais na pangyayari,” pahayag ni Fajardo.