Calendar
PRO9: US vlogger pinaniniwalaang binaril, tinapon sa dagat; katawan di pa nakikita
PINANINIWALAANG pinatay at itinapon na sa dagat ang katawan ng American vlogger na si Elliot Eastman noong gabi na siya ay dinukot sa kanyang bahay sa Sibuco , Zamboanga del Norte noong October 17,2024.
Ayon kay Police Regional Office o PRO-9 spokesperson Police Lt. Colonel Ramoncelio Sawan, binaril ng dalawang beses ang biktima nang tangkain nitong manlaban sa mga kidnappers.
Siya ay pinaniniwalaang nawalan ng buhay habang lulan ng bangkang de motor na sinasakyan ng mga ito papatakas kaya’t inihulog na lamang ang kanyang katawan sa dagat.
Sa ngayon, hindi pa rin matagpuan ang katawan ng biktima.
Sinampahan na rin ng kasong kidnapping at serious illegal detention ng PNP- PRO9 ang apat na suspects na dumukot sa biktima.
Matatandaan na noong November 18,2024, isa sa mga suspects ang naaresto ng mga tauhan ng Critical Incident Management Task Group Eastman.
Patuloy naman ang ginagawang pagtugis ng mga awtoridad sa natitira pang mga suspects.