Calendar
Productivity incentive program pasado na sa Kamara
BILANG pagkilala sa malaking kontribusyon ng mga manggagawa, inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang panukalang Enterprise Productivity Act o House Bill 6683.
Ayon kay Speaker Romualdez ang panukala na ipapalit sa Productivity Incentives Act of 1990 ay pakikinabangan hindi lamang ng mga manggagawa kundi maging ng mga kompanya.
“This is to recognize both the Filipino workers’ hard work and the enterprises’ willingness to reward the productivity of labor. Together, they make up a strong pillar of our economy, and this measure pays tribute to their immeasurable contribution to nation-building,” sabi ni Speaker Romualdez.
Ang pagpasa ng panukala ay pinaboran ng 242 kongresista at tatlo lamang ang tumutol dito.
Sa ilalim ng panukala, ang mga kompanya ay hihikayatin na magtayo ng Productivity Incentives Committee na siyang gagawa ng incentives program.
Kung mas magiging produktibo ang kompanya ang mga empleyado ay makatatanggap ng insentibo.
Upang mabawasan ang gastos ng kompanya at mahikayat ang mga ito na lumahok sa programa, bibigyan ng tax deduction ang mga ito.
Maaaring ibawas ng kompanya ang 50% ng insentibo na ibinigay nito sa mga empleyado ng sa kanyang gross income. Maaari ring ibawas ang gastos ng kompanya sa training o pag-aaral ng mga empleyado upang maging mas produktibo ang mga ito.