Isko

Programang pag-kapon sa hayop inilunsad ni VM Atienza kasama ang Animal Care Foundation

Edd Reyes Sep 17, 2025
296 Views

MAGTATAGUYOD ng libreng kapon sa mga aso at pusa ang tanggapan ni Vice Mayor Chi Atienza sa ilalim ng pagtutulungan ng City Veterinarian at Biyaya Animal Care Foundation.

Ang public-private partnership ay nabuo matapos umapela si VM Atienza sa mga animal lovers at Non-Government Organizations (NGOs) na umampon ng aso at pusa na nasa pangangalaga ng Vitas Pound.

Ito ay kasunod ng pakikipagpulong ni Marina Ortiz, ang founder ng foundation, kay Mayor Isko Moreno Domagoso at sa bise alkalde noong Martes para sa pagtataguyod ng responsableng pag-aalaga ng hayop at implementasyon ng makataong solusyon sa pangangasiwa sa pagdami ng populasyon ng mga aso at pusa sa lungsod.

Bilang animal lover, naging masigasig ang bise alkalde sa pagsusulong ng programa at kahalagahan nito sa bawa’t komunidad.

Nagpahayag naman ng buong suporta si Yorme Isko sa programa at binigyang-diin ang pangmatagalang benepisyo at proteksiyon nito sa mga hayop at residente.

Ia-anunsiyo naman Manila Public Information Office (MPIO) ang schedule, lokasyon, at pagre-rehistro sa ipapa-kapon na hayop na isasagawa ng City Veterinarian at Biyaya Animal Care Foundation.